Sabah Attack Kontra Grupo ni Kiram, Overkill

TINAWAG NA “overkill” ng Sultanato ng Sulu ang ginawang pag-atake ng Malaysian forces sa grupo ng mga Filipino-Muslims sa bayan ng Lahad Datu sa isla ng Sabah.

Sinabi ni sultanate spokesperson Abraham Idjirani na batay sa pinakahuling panayam nila kay Raja Muda Agmibuddin Kiram, ang lider ng grupo sa Sabah, mahigit sa 100,000 Malaysian forces umano ang sumalakay sa kanilang grupo.

Hindi pa aniya kasama rito ang pambobomba na ginawa ng helicopters at fighter jets.

Pero sa kabila umano ng sitwasyon, nanindigan pa rin umano ang grupo ni Kiram na hindi sila susuko at nakahanda umano silang magbuwis ng buhay para igiit ang kani-lang karapatan sa inaanga-king teritoryo.

Una rito, nag-deploy na rin ng karagdagang pitong batalyon ng sundalo ang Malaysian authorities sa mga lugar na pinaniniwalaang pinagtataguan ng grupo nina Rajah Muda Kiram.

Samantala, bandang alas-9:00 kahapon ng umaga nang maglunsad ng panibagong serye ng atake ang Malaysia laban sa grupo ng mga Filipino-Muslims sa bayan ng Lahad Datu at mga karatig-lugar sa isla ng Sabah.

Lumalabas sa report na maliban sa ground assault ay gumamit na rin ng mga fighter jets ang government forces.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.