Sa ‘Sex-For-Flight Issue; Labor Officials, Sinabon ng mga Mambabatas

KINUYOG NANG husto ng mga mambabatas ang ilang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa pagsisiyasat ng Senado sa kontrobersiyal na “sex-for-flight” scandal o ang umano’y pang-aabusong sekswal sa mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan.

Mismong nasabon ay si Labor attache to Saudi Arabia Adam Musa, dahil natuklasan ng mga senador na mistulang binalewala nito ang akusasyon ng Pinay domestic helper na si Grace Victoria Sales na siya ay tinangkang pagsamantalahan ng kanyang driver na si alyas Jojo sa halip ay hinayaan na magkaaregluhan at binayaran pa ng hanggang sa P110,000 ang biktima.

Depensa naman ni Musa, hindi nito alam na may tangkang pang-aabuso pala sa nasabing Pinay.

Inusisa tuloy ni Sen. Cynthia Villar si Labor Sec. Rosalinda Baldoz kung ito ang kanilang pinaiiral na polisiya sa oras na may nagkaproblemang OFW sa labas ng bansa – na sa halip bigyan ng hustisya ang mga nabibiktamang kababayan ay inaareglo, bagama’t itinanggi ito ng kalihim.

Hindi rin nakaligtas si Musa sa panggigisa ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile nang matuklasan na halos wala itong ginawa laban sa kanyang driver na akusado sa pang-aabuso laban sa Pinay samantalang ang panguna-hing trabaho nito ay bigyan ng proteksyon ang mga OFW sa abroad.

Maliban naman kina Villar at Enrile, nakatikim din ng panggigisa si Musa mula sa ibang mambabatas na kinabibilangan nina Senate blue ribbon committee chairman TG Guingona, senators Bam Aquino, Bongbong Marcos, at Jinggoy Estrada.

Dumalo rin sa naturang pagsisiyasat ng Senate blue ribbon committee ang isa pang akusado na si Asst. Labor Attache Antonio Villafuerte, at apat na complainants na itinago sa pangalang Analiza, Angel, Michelle kabilang na si Josie.

Samantala, kabilang sa dumalo ay mismong si DFA Sec. Albert Del Rosario, Labor Sec. Rosalinda Baldoz, OWWA administrator Carmelita Dimzon, ang kasapi ng Labor probe team sa pamumuno ni Atty. Leah Fortuna, POEA administrator Hans Leo Cacdac at iba pang mga opisyal ng DFA at Labor Department.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.