Sa pananakit sa kanyang ina
Pangay ni Ai-Ai delas Alas, gustong gantihan si Jed Salang!

SOBRANG EMOSYONAL ang nakaraang guesting ni Ai-Ai delas Alas sa The Buzz nu’ng nakaraang Linggo kung saan umamin ang komedyana na nauwi na nga talaga sa hiwalayan ang relasyon nilang dalawa ni Jed Salang.

Dito rin ay inamin ni Ai-Ai na sinaktan siya ng lalaking pinakasalan at alam niya na pera lang ang habol sa kanya ni Jed at alam niyang ‘di talaga siya minahal nito.

Marami ang naiyak nang lumabas ang anak na si Sancho, umiyak sa naging kapalaran ng ina at du’n lang niya nalaman ang totoong pinagdaanan nito sa kamay ng lalaking kahit sila ay inakala nilang magmamahal nang totoo sa kanilang ina.

Sinubukan naming makapanayam ang Comedy Queen sa nakaraang  44th Box-Office Enetrtainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Foundation kung saan tinanghal ito bilang Phenomenal Box-Office Stars kasama sina Vice Ganda at Kris Aquino para sa pelikulang Sisterakas.

Umiwas mang magbigay ng pahayag ang komedyana, sinuwerte namang nakapanayam namin at ng Cinema News si Sancho, panganay na anak ni Ai-Ai kay Miguel Vera, at dito ay ramdam namin ang galit at malalim na sama ng loob nito kay Jed.

Aminadong masakit sa kanya ang nangyari at dahil silang dalawa ng ina na lang ang magkasama dito dahil nasa ibang bansa ang dalawang kapatid, buo ang suportang ibinibigay ni Sancho kay Ai-Ai kung saan lagi siyang kasama ng ina sa mga lakaran.

‘Di tinago na gustong gantihan o bawian ang nanakit sa ina pero, dahil kilalang madiplomasyang tao si Ai-Ai ay pinili na lang niyang manahimik at ‘wag na lang gumanti. Ayon kay Sancho ay tinanggap nila sa tahanan at sa buhay nila si Jed pero ganito lang pala ang gagawin nito sa ina.

Sa tanong na buti na lang ay nagkaroon ng pre-nuptial agreement nang ikasal ang dalawa, ayon kay Sancho ay sinecured talaga ito ng ina dahil alam na nito ang mga puwedeng mangyari, lalo’t sinabi naman ni Ai-Ai na may kaibigan siyang nagkuwento sa kanya tungkol sa balak sa kanya ng napangasawa.

Ramdam ang lalim ng pagmamahal ni Sancho para sa ina, sa edad nito sa kanya ay kita namin ang maturity at  paninindigan nito bilang isang lalaki, kung saan handa itong ipagtanggol at ilaban ng patayan ang ina.

 

MASAYA AT bongga ang ginanap na nakaraang Juan Fun Day sa Aliw Theater nu’ng nakaraang Linggo, kung saan maraming mga masugid na tagasubaybay ng Juan dela Cruz ang pumunta para makisaya sa buong casts ng nasabing serye.

Ito ay pasasalamat sa lahat ng mga taong patuloy na sumsuporta at sumusubaybay sa Juan Dela Cruz kung kaya’t consistent ang mataas na ratings nito. Lahat ay personal na nakita ang mga bumubuo ng Juan Dela Cruz mula sa bida nitong si Coco Martin hanggang kina Shaina Magdayao, Erich Gonzales, Albert Martinez, Zsa-Zsa Padilla, Aaron Villaflor,Eddie Garcia, Neil Coleta, Joel Torre, Lotlot de Leon at iba pa.

Dito rin ay pinakilala ang batang si Izzy Canillo na siyang gumaganap naman bilang batang Juan sa My Little Juan, kung saan mapapanod ang naging buhay ng batang si Juan bago pa man ito ginampanan ni Coco. Nasimulan nang mapanood kahapon, may 20 kung saan nagtala ito ng 17.3% ratings laban sa kalaban nitong programa na Unforgettable naman na nakakuha ng 7.6% na rating sa TNS Bantam survey, may pagkakomedya man ang tema ng My Little Juan ay aantig naman sa kalooban ang karakter ng batang Juan at sa relasyon niya sa lahat ng taong may kaugnayan sa buhay niya.

Maiba Lang

By MELBA R. LLANERA

loading...

3 thoughts on “Sa pananakit sa kanyang ina
Pangay ni Ai-Ai delas Alas, gustong gantihan si Jed Salang!

Leave a Reply

Your email address will not be published.