Sa pagsama sa naka-TRO na dagdag-singil sa March bill; Meralco, muling inireklamo

MULING INIREKLAMO ang Manila Electric Company (Meralco) dahil sa pagsama ng dagdag-singil na pinigil ng Korte Suprema sa bill ngayong buwan ng Marso.

Noong nakaraaang buwan, unang binatikos ang paglalagay sa bill ng “amount due” o bayarin sa kasalukuyang buwan at “total amount due” kung saan isinama ang naka-temporary restraining order (TRO) na dagdag-bayarin noong Disyembre.

Ngayong Marso, inireklamo naman ng grupong People Opposed to Unwarranted Electricity Rates (POWER) ang pagsama ng “deferred, pending resolution of SC TRO” sa bill.

Sinabi ni POWER Convenor Teddy Casiño na hindi na dapat ito inilagay sa March bill lalo’t naging ugat na ito ng kalituhan noong nakaraang buwan at nag-utos na ang Energy Regulatory Commission (ERC) na tapyasan ang dagdag-singil.

Inamin naman ng Meralco na naisali sa March bill ang dagdag-singil na naka-TRO pero hindi naman anila ito kasali sa kabuuang babayaran ng konsyumer kaya wala dapat na maging isyu.

Inihayag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na floating amount iyon at hindi pinababayaran.

Pero nanindigan si Casiño na isyu ito dahil pinalalabas na mayroon pa siyang babayaran.

Pati si Energy Secretary Jericho Petilla, kumontra sa ginawa ng Meralco dahil ito ay nakalilito.

Hinggil naman sa pagpapa-contempt ng Bayan Muna sa Meralco, nanindigan ang kumpanya na wala silang intensyong suwayin ang TRO sa February bill.

Samantala, ilalabas din ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) ang kwenta kung magkano ang matatapyas sa malakihang dagdag-singil ng nasabing kumpanya sa bill noong Disyembre at Enero.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.