Sa paglustay sa daang milyong pera ng barangay at overpriced multi-cabs 4th graft vs Recom, isinampa sa Ombudsman

MULI NA NAMANG IPINAGHARAP ng kasong Graft si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa ika-apat na pagkakataon dahil umano sa paglustay ng daang milyon barangay funds at pagbili ng overpriced multicabs, kahapon sa Office of the Ombudsman.

Ito ang pang-apat na Graft case ni Echiverri sa Ombudsman na isinampa ni Vice Mayor Edgar ‘Egay’ Erice, bukod pa sa Plunder – dahil umano sa kinasasangkutang mga katiwalian mula nang ito ay maging alkalde.

Kinasuhan din ang mga city officials na sina City Administrator (CA) Russel C. Ramirez; Services Officer Caroliza Delos Santos, Treasurer Evelina M. Garma, Accountant Edna Centeno at Budget Officer Jesusa Garcia.

Sa kanyang 26-pahina na reklamo, sinabi ni Erice na nilustay ng mga akusado ang halagang P116,220,230.00 share ng mga barangay mula sa business tax proceeds na walang legal authority sa concerned barangays bilang bayad sa insurance premium, seminar at pagbili ng 150 unit ng multi-cabs.

Sa umiiral na batas, isinasaad sa Ordinance No. 0386 (Updated Revenue Code of 2004) na ang mga barangay ay ‘entitle’ ng 10 porsiyento sa nakokolektang business at miscellaneous tax ng pamahalaang lungsod.

Sinabi ni Erice na sa sulat ni Garma sa Executive Director ng Bureau of Local Government Finance – DoF, inihayag nitong ang ‘shares’ ng mga barangay mula 2005 hanggang 2010 ay umabot ng P401,032,313.43.

Inamin din umano ni Garma sa sulat sa BLGF-DoF na ginamit nila ang nasabing halaga (P116,220,230.00) kahit wala ang ‘necessary Implementing Rules and Regulations’ para bayaran ang insurance premium ng mga barangay noong 2006 na nagkahalaga ng P11,040,000.00; barangay seminars noong 2006 sa halagang P18,770,230.00; P17,860,000.00 noong 2007;  P28,050.000.00 noong 2008 at pinambili ng 150 units ng multi-cabs noong 2007 sa halagang P40,500,000.00.

Iginiit din ni Erice na sa umiiral na batas, ang mga barangay officials lamang ang may karapatan o may exclusive authority kung paano nila gagamitin ang kanilang pondo sa pamamagitan ng kanilang proposed  annual o supplemental budget.

At ayon pa sa reklamo ng bise alkalde, ang Sangguniang Panlungsod ay limitado lamang sa ‘review’ ng proposed barangay budget para masiguro na ang probisyon ng Local Government Code (RA 7160) ay nasusunod.

Kahit na umano walang proposed budget ang mga concerned barangays, ang business tax shares ay ginamit ni Liga ng Barangay President Ricojudge Echiverri, anak ni Mayor Echiverri sa pagbili ng multi-cabs.

At ang nakalulungkot, paliwanag pa ng bise alkalde, ang mga biniling multi-cabs ay ‘overpriced’ sa P270,000 per unit, kumpara sa presyo ng bago at parehong brand at model ngayon na P165,000 lamang.

Ang masama pa, ang mga biniling multi-cabs ay pinare-histro, ‘di sa ngalan ng city government kundi sa Liga ng mga Barangay na maituturing na private organization at ‘di bahagi ng pamahalaang lungsod ng Caloocan.

Maliwanag, ayon kay Erice na sina Echiverri at pitong opisyal ng Caloocan ay nagkutyabahan para baluktutin ang probisyon ng Ordinance No. 0386 2004 at RA No. 7160 at ginamit ang business tax shares ng mga barangay kahit walang implementing rules at mga proposed budget ng concerned barangays.

Ang shares ng mga barangay mula sa proceeds ng business tax at real property tax, giit pa ni Erice ay naging epektibong  “tools of coercion”.

Aniya, sinasadya nilang ‘di ibigay ang barangay shares sa maraming taon para ang mga barangay ay sumunod sa kagustuhan ng Echiverri administration. Ang mga barangay na susunod sa  administrasyong Echiverri ay siyang mabibigyan ng kanilang ‘share’ na maituturing na kontra sa intensiyon ng batas.

Samantala, hiniling ni Erice sa Ombudsman na suspendihin si Echiverri at mga kasamang akusado para umano ‘di maimpluwensiyahan ang imbestigasyon ng kanilang mga kaso.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.