Sa pagkawala ng PDAF
Kapangyarihan ni PNoy, lumakas

MARIING KINONTRA ni Bayan Muna Representative Neri Colmenares ang paniwala ng ilang political analyst na nabawasan ang kapangyarihan ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III  matapos ideklarang ilegal ng Supreme Court (SC) ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Inihayag ni Colmenares na ngayong tinanggal na ang pork barrel, ang punong ehekutibo na lamang ang natitirang pork holder dahil sa Special Purpose Fund.

Ibig sabihin nito, kay Pangulong Aquino aniya lalapit ang mga kongresista at senador para makakuha ng pera.

“Lalong lalaki ‘yung impluwensya niya sa Kongreso. Kung may gusto siyang isang batas, kung may gusto siyang ipa-file na impeachment, kung may gusto siyang budget na ipapasa, mas lalakas ‘yung hand niya kasi siya ang pipilahan doon ng mga kongresista.”

Ayon kay Colmenares, kabilang sa presidential pork ang bilyon-bilyong lump sum bukod pa sa kontrobersyal ding Disbursement Acceleration Program (DAP) o savings.

Kung susumahin aniya, P932 bilyon ang mga pondong hindi nakadetalye sa national budget na hawak ni PNoy. Kumpara aniya sa P25 bilyong PDAF, biik ang PDAF habang inahin ang pondo ng pangulo.

Dahil dito, itinuturing ni Colmenares na “partial victory” lamang ang desisyon ng SC na ideklarang ilegal ang pork barrel.

Una naman nang sinabi ng Palsyo na tiwala sila na hindi mababawasan ang kapangyarihan ng punong ehekutibo sa pagkawala ng PDAF. Samantala, paulit-ulit na rin nitong iginiit na hindi dapat tanggalan ng PDAF ang Pangulong Aquino.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.