Sa pagkakaaresto sa pumatay sa kagawad… Caloocan Police, Pinarangalan

BINIGYAN KAHAPON NG pagkilala ng Philippine National Police (PNP) ang ilang tauhan ng Caloocan City Police dahil sa agaran nitong pagkakaaresto sa pumatay sa kagawad na nakuhanan pa ng litrato ng huli bago ang pamamaril sa nasabing lungsod.

Kabilang sa mga nabigyan ng Medalya ng Kagalingan ay sina Chief Insp. Rodrigo Soriano, hepe ng Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB), PO3’s Eduardo Ronquillo, Benjie Tiu, PO2 Carlos Hernandez at PO1 Angelito Gagarin, pawang mga nakatalaga sa SIDMB at follow-up unit ng Caloocan City Police.

Isinabay ang pagbibigay ng medalya sa mga nasabing pulis sa flag raising ceremony ng PNP na ginanap sa Camp Crame , Quezon City kamakalawa ng umaga.

Ang pagbibigay ng medalya sa mga nabanggit na pulis ay dahil na rin sa pagkakaaresto ng mga ito sa gunman na si Arnel Buenaflor na nakapatay kay Kagawad Reynaldo Dagsa ng Brgy. 35, Maypajo, Caloocan City.

Bago ang pagkakaaresto kay Buenaflor, unang nadakip ng mga awtoridad ang look-out na sina Michael Rullon at Frederick Sales na sinasabing kasama sa nagplano sa pagpatay kay Dagsa.

Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa dalawa pang sangkot sa ginawang pagpatay kay Dagsa na sina Rommel Oliva at Francis Bronjal.

Base sa rekord ng pulisya, binaril hanggang sa mapatay ni Buenaflor ang biktimang si Dagsa habang ipinagdiriwang ang pagsalubong sa Bagong Taon noong Enero 1 dakong 12:15 ng madaling-araw malapit bahay ng kagawad.

Bago naman naiputok ni Buenaflor ang baril kay Dagsa, nagawang maisama ng biktima sa larawan ang gunman at isa pang look-out na si Rullon nang kuhanan ng litrato ng kagawad ang kanyang pamilya.

Ang kuhang larawan ng biktima ang naging matibay na ebidensiya laban sa mga suspek, at sa isinagawang magkakahiwalay na follow-up operation ay naaresto ang gunman sa Aurora, Isabela.

Dahil din sa pagkakaarestong ito ng mga may kinalaman sa pagpatay kay Dags, binigyang-papuri ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang lokal na pulisya dahil na rin mabilis na pagkakalutas ng mga ito sa naganap na krimen.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.