Sa Pag-Brodkast ng Hostage-Taking: Media, ginisa sa Senado

UNANG SUMALANG SI ABS-CBN Senior Vice President Maria Ressa sa pagsisimula ng joint hearing ng Senate committees on public information and public service kahapon sa pangunguna ni Senator Joker Arroyo hinggil sa pagkalat ng mga broadcast report sa naganap na hostage crisis noong Agosto 23 sa international television networks tulad ng CNN at British Broadcasting Corp. (BBC).

Ayon sa pahayag ni Arroyo, ang nasabing pagkalat ng mga report ay lumikha ng malaking perwisyo sa bansa.

Mariing pinabulaanan ng mga kinatawan ng GMA-7 at TV5 ang pagbibigay ng kopya ng video sa CNN at BBC maliban kay Ressa na umaming ang ABS-CBN ay broadcast partner ng CNN.

Sa pagtatanong ni Senate President Juan Ponce Enrile, inamin ni Ressa na nagbigay siya ng isa hanggang dalawang news reports sa CNN.

“I hold two hats. At times, I report for CNN at the same time, also the head of news for ABS-CBN,” pahayag ni Ressa.

Si Ressa ay nagtrabaho na noon sa CNN bilang isang correspondent bago pa man naging bahagi ng ABS-CBN.

Matapos lisanin ang CNN, sinabi ni Ressa na patuloy siyang nagbibigay ng mga news report sa kanyang previous employer kung kinakailangan.

“I believe I filed one or two reports earlier in the day,” dagdag pa ni Ressa.

Sinabi pa ni Enrile na maliban sa CNN, nagsulat din si Ressa ng artikulo sa Wall Street Journal hinggil sa naganap na hostage drama.

“It seems you are wearing three hats,” ayon sa komento ni Senator Arroyo.

Maliban kay Ressa, dumalo rin sina Jessica Soho at Grace Reyes ng GMA-7, Luchi-Cruz at DJ Sta. Ana ng TV5.

Dumating din sa nasabing hearing si TV5 news anchor Erwin Tulfo at Radyo Mo Nationwide (RMN) anchor Michael Rogas kasama ang kanyang legal counsel na si dating Senator Aquilino Pimentel, Jr.

Nagsimula ang hearing sa session hall ng Senado ganap na ika-10:00 ng umaga sa pangunguna ni Senator Joker Arroyo.

“We are not here to point fingers but to find ways to correct the mistakes,” ayon naman kay Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., chairman ng public services committee.

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.