Sa P3.50 Kada Araw, Hatid ng PhilHealth ang Mas Malaking Benepisyo Para sa mga OFWs

NANGAKO ANG Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magbibigay ito ng mas mataas na halaga ng benepisyo at pag-iibayuhin pa ang serbisyo para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang dependents, kapalit ng kontribusyong mas mababa pa sa P3.50 kada araw o P1,200.00 kada isang taon.

“Para sa mga OFWs, ang nakatalagang taunang prima ay mananatili sa P1,200.00 para sa taong ito o mababa sa halagang P3.50 kada araw. Ang kanilang bagong prima na mas mababa sa P7 kada araw o P2,400 kada taon ay hindi ipatutupad sa kasalukuyan kundi sa Enero ng susunod na taon,” pahayag ni Dr. Eduardo P. Banzon, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth.

“Ginagawa namin ang aming makakaya upang matumbasan ng higit pa ang ibinabayad na premium ng bawat miyembro – ang aming mga kliyente, kasama ang mga OFWs. Patuloy naming pinalalawak ang aming benepisyo at pinagbubuti ang aming serbisyo,” pagdidiin ni Banzon.

“Sa pamamagitan ng mas malaking pagbabayad sa benepisyo, inaasahan namin na ang mas nakararaming OFWs, lalung-lalo na ang mga kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa, ay mapabilang na miyembro ng PhilHealth,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Banzon na ang mga OFWs ay maaaring makapag-avail ng taunang prima sa halagang P1,200 lamang kung nanaisin nilang magbayad para sa susunod na dalawa hanggang limang taon bago o sa ika-31 ng Disyembre 2012.

Sa anumang pagkakataon, hinihikayat ni Banzon ang mga OFWs na hangga’t maaari ay bayaran nila ang kanilang premium na sumasakop sa kanilang kontrata sa ibang bansa.

“Sa paraang ito, ang OFW at ang kanyang mga dependents ay magkakaroon ng kapanatagan ng kalooban at pag-iisip. Sila ay mapoprotektahan sa oras na ang pangunahing miyembro ng PhilHealth o ang namumuno sa pamilya ay nasa ibang bansa,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, mahigit-kumulang sa 2.52 million na mga OFWs at mga dependents nito ang sakop na ng PhilHealth.

Ayon pa kay Banzon, “kahit na ang kontribusyon ay P 3.50 o P 7.00 sa isang araw, hindi naman ito masyadong kalakihan, lalung-lalo na kung isasaalang-alang natin na ang mga OFWs ay iniiwasan ang mga hindi inaasahang gastusin kagaya ng biglaang pagkakasakit sa pamilya.”

“Ang halagang ito ay maitutu-ring na maliit lamang na puhunan para magarantiyahan ang OFW o ang kanyang dependents ng malaking kaginhawahan kung sakaling magkasakit ang sinuman sa pamilya o ng pagpapa-ospital ng kanyang maybahay dahil sa panganganak,” dagdag pa niya.

Ang PhilHealth ay laging katuwang ng miyembro sa pagbabayad ng kuwarto, mga gamot, eksaminasyon sa laboratory at bayad sa doktor kung ang miyembro ay naospital nang hindi bababa sa 24 oras. Binabayaran din nito ang mga outpatient services kasama ang day surgeries at pagpapagamot sanhi ng tuberkulosis.

Ang mga kuwalipikadong dependent ng OFWs na aktibong miyembro ng PhilHealth ay maaari ring magkamit ng hiwalay na 45 araw na pagpapa-ospital bawat taon, subalit ang 45 araw na ito ay paghahati-hatian ng lahat ng mga dependents nito.

Kabilang sa mga kuwalipikadong dependents ng isang OFW member ng PhilHealth ay ang legal na asawa na hindi  miyembro o hindi aktibong miyembro ng PhilHealth; mga anak na mababa sa 21 taong gulang, walang asawa at walang trabaho; at mga magulang na may edad 60 pataas.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.