Sa mga Inaabusong OFWs: Magsumbong Kayo – DFA

PINAYUHAN NG Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na sinasabing nakaranas ng pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga Saudi authorities, na kaagad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.

Sinabi ni DFA spokesperson Asec. Raul Hernandez na “unacceptable” ang anumang uri nang pagmaltrato at pagmamaltrato na naranasan ng ating mga kababayan sa labas ng bansa.

Payo nito, kailangan umanong humarap ang mga biktima para masiyasat ito at maidulog sa tamang kinauukulan.

“Iyong mga ganitong pagmaltrato at pag-abuso sa ating mga kababayan, ay talagang unacceptable.. Ang maganda po sa mga nakaranas ng ganito doon sa deportation center, ay kung maari pumunta sa DFA para makuha natin ang detalye, kailan nangyari at kung papaano, para maidulog natin sa gobyerno ng Saudi Arabia at maaksyunan ito ng Saudi government,” ayon kay Hernandez.

Una rito, pinatitiyak na ng Pangulong Noynoy Aquino III sa mga opisyal ng Philippine embassy sa Saudi Arabia ang kaligtasan at seguridad ng mg undocumented OFWs na nahaharap sa posibleng pag-aresto.

Inihayag ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma, Jr., sa ngayon ay tinututukan na ng gobyerno ang kalagayan ng mga kababayan para matiyak na mabigyan ang mga ito nang maayos na pagtrato ng Saudi authorities.

Una rito, inireklamo ng ilang manggagawang Pinoy ang umano’y pang-aabuso sa kanila ng Saudi authorities, kasunod ng pagpapairal ng “Saudization” policy sa naturang bansa.

Ayon sa mga ito, halos apat na araw umano silang na-detain at naka-posas pa nang pasakayin sila ng eroplano pabalik ng bansa.

Samantala, ang ilan din umano sa kanila ay ipinosas ang mga paa na mistulang mga kriminal habang nasa detention facility.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.