SA Macau ang susunod na laban ni Pacquiao?

MADALAS NA MAPABALITANG pasahero ng Cebu Pacific – isang budget airline – si Senator Bong Revilla Jr. sa kanyang mga pagbibiyahe. At noong February 25, 2011, Biyernes, nakasabay mismo ng inyong SHOOTING RANGE sa 7:30 pm Cebu Pacific flight si Revilla patungong Macau, China. Kapansin-pansin na wala siyang kasamang mga alalay, maliban sa dalawang animo’y mga office aide.

Noong 2009, naispatan ng inyong SHOOTING RANGE ang noo’y isang cabinet official na ngayon ay mambabatas na sa isang hotel sa Macau na may kasamang sangkaterbang bodyguards na pawang mga nakasuot ng itim na T-shirt – tipong men in black ang dating.

Kasama rin noon ng nasabing opisyal ang kanyang misis – na isang local politician, biyenan, anak, stepson, girlfriend ng kanyang stepson – na isang showbiz celebrity at dalawang kasambahay. Double purpose ang pagdala ng mga bodyguards ng nasabing opisyal dahil bukod sa pagbabantay sa kanyang seguridad, ginawa rin niyang mga bitbit boys ang mga ito – taga-bitbit ng mga shopping bags ng kanyang misis.

Noong taong 2007, naispatan naman ng inyong SHOO-TING RANGE ang isa pa ring senador na bumibili ng relo sa loob ng isang mall sa Hong Kong. Habang nagsusukat ng relo ang nasabing senador, nakabantay sa pinto ang kanyang tatlong bodyguards.

ISANG MAPAGKAKATIWALAANG SOURCE na mula sa kampo ni Congressman Manny Pacquiao ang nagsabi sa inyong SHOOTING RANGE na taliwas sa mga kumakalat na balita na natalo ng HK$10 million ang world boxing champ, bale HK$2 million lang daw talaga ang kabuuang itinalo ng kongresista sa poker at baccarat table sa Macau kamakailan.

Ang starting playing money raw ni Pacquiao noon ay HK$10 million – na naubos. Pero hinabol daw ni Pacquiao ang talo niyang iyon at nagpa-extend ng kanyang stay sa Macau hanggang sa nakabawi siya ng HK$8 million. Kaya kung tutuusin, HK$2 million lang daw ang kanyang talo. Nais lamang ituwid ng source ang mga kumakalat na mga maling balita.

At taliwas din daw sa mga naisulat sa mga tabloid na may mga kasamang magagandang “escort girls” si Pacquiao sa pagpunta niya sa Macau noon para maglaro ng poker at baccarat, tanging si Mrs. Jinkee Pacquiao lang daw ang kasamang magandang dilag ng boxing idol. Bagama’t labing lima raw ang kasama sa entourage ni Pacquiao, lahat daw ng mga iyon ay mga alalay lamang.

Wala rin daw katotohanan na linggu-linggo pumupunta si Pacquiao sa Macau para magsugal, paminsan-minsan lang daw kung mapagawi ang boxing hero roon. At hindi naman daw palaging natatalo. Paminsan-minsan ay nananalo rin daw ito.

At nitong kamakailan lang na pagbisita ni Pacquiao sa Macau, ang sadya raw talaga ng boksingero ay upang kausapin ang pamunuan ng Venitian Resort Hotel and Casino para sa posibleng pagganap ng kanyang susunod na boksing sa nasabing casino. Hindi raw talaga sugal ang sinadya nito roon. Yaman din lang daw na naroon na ito, naisipan niyang maglibang at ilaro ang HK$10 million sa poker at baccarat table na ipinahiram lamang daw ng isang casino financier.

Pera naman daw ni Congressman Pacquiao ang kanyang ipinapatalong milyones sa casino at hindi pera mula sa kaban ng bayan kaya huwag mag-alala ang kanyang mga kritiko, sumbat pa ng source.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.