Sa isyung ginagamit lang siya para sumikat Kim Chiu, pinagtanggol si Xian Lim

ISA SA paratang na pinukol at tinanggap ni Xian Lim ay ang opinyon ng iba na kaya lang daw ito sumikat at napag-usapan ay dahil nadikit ito kay Kim Chiu na isa sa pinakasikat nating youngstar sa ngayon. Sa pakikipag-usap namin sa aktres, agad namang idinepensa ni Kim ang kapareha na nani-niwala siya na oras na ng kapareha na makilala at gumawa ng sarili nitong pangalan sa showbizness.

Para kay Kim, timing is everything para kay Xian, kung saan ikinuwento nito sa amin na hindi pala dapat si Xian ang magiging ka-loveteam niya sa My Binondo Girl kundi sila Matteo at Jolo Revilla pero dahil nagkasakit si Jolo dahil sa migraine nito at si Matteo ay nagkaproblema na hindi na in-elaborate pa sa amin ni Kim, naging tiyansa ito para sila ang i-push sa My Binondo Girl na kinagat naman ng tao. Dagdag na paliwanag din sa amin ni Kim, nagkakatulungan silang dalawa ni Xian bilang magka-loveteam na kung wala nga naman talagang chemistry at ‘di cooparetive ang bawat isa ay malamang na mawala sa lahat ang pinaghihirapan nila.

Sa ngayon ay hindi na ganu’n kadalas na nagkikita dahil tapos na ang My Binondo Girl at busy rin si Xian sa reunion movie nito kasama sila Enrique Gil, Enchong Dee at Kean Cipriano under Star Cinema pero tuloy pa rin ang komunikasyon ng dalawa. Sa tanong naming kung nanliligaw na ba talaga sa kanya ang kapareha, hanggang sa ngayon ay di pa rin umaabot sa puntong nagsasabi ng ‘I love you’ sa kanya si Xian pero nagbibigay ito ng mga regalo at sopresa sa kanya. Para rin kay Kim ay mas magandang hindi madaliin ang mga bagay-bagay at maging magkaibigan na muna silang dalawa bago pa man ito mapunta sa mas malalim at seryosohang relasyon.

Hiningan din namin ng reaksyon sa balitang nililigawan na raw ni Gerald Anderson si Sarah Geronimo, kung saan niregaluhan pa raw ng tiffany necklace last Christmas ng ex-boyfriend ang Pop Princess, siniguro sa amin ni Kim na wala na siyang hurt feelings tungkol dito. Matagal na silang magkaibigan ni Gerald at tama lang din na makahanap na ito ng bagong inspirasyon sa buhay.

Masaya at kabado sa pagsasama nila ni Gov. Vilma Santos sa pelikulang The Healing ng Star Cinema, aminado si Kim na sa rehearsal pa lang ay todo-bigay na ang mahusay na aktres kung kaya’t tinodo bigay rin niya ang emosyon niya. Bukod dito, isa ring pelikula na muli nilang pagtatambalan ni Xian ang gagawin ni Kim sa taong ito na susubok talaga kung talagang tanggap at suportado ng tao ang tambalang XianLim-Kim Chiu.

KUNG DATI-RATI ay tuwing Huwebes lang ng gabi napapanood ang programang Public Atorni: Asunto o Areglo, ngayon ay araw-araw na itong mapapanood tuwing 4:30-5:00 ng hapon ng T3 sa TV5. Higit na palalawigin ang ating kaalaman sa batas at mga karapatan nating pantao, dito ay bubusisiin ang mga maliliit na kaso bago pa man ito sumampa sa mas mataas na hukuman.

Hosted by Atty. Persida Acosta,  si MJ Marfori  naman ang kukuha ng mga opinyon at pulso ng studio audience tungkol sa kasong tatalakayin.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

Previous articleBeteranang aktres, lumalatay ang pagtataray!
Next articleIza Calzado, umalis ng Siyete dahil kay Marian Rivera?!

No posts to display