Sa isyu ng ‘lagayan’ sa gobyerno
CSC, Hihingi ng Bagong Survey sa NSO

MAKIKIPAG-UGNAYAN SA National Statistics Office (NSO) ang Civil Service Commission (CSC) kaugnay ng isinagawang nitong survey kung saan lumitaw na apat sa 10 pamilyang Pinoy ang may miyembrong nanuhol para mapabilis ang transaksyon sa ilang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay CSC Chairperson Francisco Duque III, nakagugulat ang resulta ng survey dahil halos wala na silang natatanggap na reklamo ng panghihingi ng lagay.

Naniniwala si Duque na malaki na ang naging improvement sa mga ahensiya ng gobyerno lalo’t taong 2010 pa isinagawa ng NSO ang nasabing survey.

Aminado rin si Duque na mahirap tukuyin kung nanghingi ba ng lagay o binigyan lang ng regalo ang isang taga-gobyerno.

Binanggit naman ng kalihim na nangunguna sa mga ahensiya ng gobyerno na itinatawag sa kanilang “Contact Center ng Bayan 16565” ang Land Transportation Office (LTO), Bureau of Customs (BOC), Land Registration Authority (LRA) at Government Service Insurance System (GSIS).

Pero nilinaw nitong karamihan sa mga reklamo ay dahil sa paglabag sa “No Lunchbreak Policy” ng CSC.

Binigyang-diin naman ni Duque na mahalaga talaga ang pagkakaroon ng Citizen’s Charter sa isang tanggapan ng gobyerno upang maiwasan ang lagayan o fixing.

Sa Citizen’s Charter, nakasaad ang proseso o hakbang na dadaanan sa bawat transaksyon, gaano dapat katagal ang pag-aayos at kung magkano ang dapat bayarang singil.

Dapat aniya’y may nakapaskil na malaking tarpaulin sa bawat ahensiya ng gobyerno kung saan nakasaad ang proseso at listahan ng mga singil o charges.

Samantala, hinikayat niya ang publiko na magsumbong sa CSC sa “Contact Center ng Bayan 16565” at may mga call center agent na tatanggap ng tawag o reklamo para agad maimbestigahan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.