Sa isyu ng Cebu Seminar Poisoning 10 Araw, Taning ng Ombudsman kay RJ Echiverri

 

SAMPUNG ARAW na taning ang ibinigay ng Office of the Ombudsman kay Liga ng mga Barangay National President Ricojudge “RJ” Echiverri at isa pang opisyal para magsumite ng kanilang counter affidavit kaugnay ng kasong Anti-Graft na isinampa laban sa kanila ng isang retired colonel ng national police.

Sina RJ Echiverri, anak ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri, at Ruben Gatchalian, barangay secretariat, ay binigyan lamang ng sampung araw ng tanggapan ng Ombudsman para sagutin ang inihaing reklamo sa kanila ni Eliseo De Leon, kilalang opisyal ng Kapulisan noong kanyang kapanahunan.

Nabatid na kapag lumampas ang sampung (10) araw na taning at nabigo sina Echiverri at Gatchalian na magbigay ng kapani-paniwalang paliwanag ay ipagpapatuloy na ang paglilitis laban sa kanila base sa alituntunin ng nasabing kagawaran.

Ang reklamo ni De Leon ay may kinalaman sa umanong pagkakalason ng humigi’t kumulang sa 60-katao na pawang miyembro ng iba’t ibang barangay sa Caloocan City.

Kabilang umano sa mga nalason si Brgy. 116 Chairman Emmanuel De Leon, anak ni De Leon, sa ginanap na barangay seminar sa isang hotel sa Mactan, Cebu City noong nakaraang buwan ng Oktubre 2011.

Ayon kay De Leon, siya ay nagsadya sa tanggapan ng Liga ng mga Barangay sa Caloocan City Hall para humingi ng kopya ng medical certificate na may kinalaman sa “food poisoning” sa isinagawang barangay seminar sa Crown Regency Hotel and Restaurant sa Mactan, Cebu noong Oktubre 20, 2011.

Nakasaad sa kanyang affidavit, ang hinihiling niyang medical certificate ay gagamitin sana sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa nasabing hotel at restawran.

Subalit sa kanyang pagdating doon, wala sina RJ Echiverri at Gatchalian sa opisina pero sa tulong ng Liga staff ay kanilang tinawagan sa mobile phone si Gatchalian na umamin naman na ang nasabing medical certificate ay nasa kanyang pag-iingat.

Nagpadala na rin ng formal request si De Leon kay RJ Echiverri para makakuha ng nasabing medical certificate, subalit hindi tinugunan ng dalawang opisyal ng Liga ang kanyang kahilingan.

Kaugnay nito, hiniling din ni De Leon sa tanggapan ng Ombudsman ang dagliang pagresolba sa isinampa niyang kaso laban kina RJ Echiverri at Gatchalian, dahil sa idinaos na mediation conference, palagi siyang ini-interupt ng mediator kapag siya na ang nagsasalita at ang komento ay palaging sa respondents.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.