Sa isyu ng Ampalaya Anonymous: Pauleen Luna at Maxene Magalona, nagharap na!

PALAGAY KO TAPOS na itong isyu nina Pauleen Luna at ng Ampalaya Anonymous dahil ayaw na rin ng alaga kong magsalita tungkol dito.

Nasabi na raw niya ang gusto niyang sabihin at pinagharap na sila ni Maxene ng production staff ng bagong Sinenovela na gagawin nila at naayos naman.

Nandu’n nga ako nu’ng magharap-harap sila kasama ang Mommy ni Maxene na si Pia Magalona at mabuti’t naayos naman. Siyempre hindi ko naman puwedeng ikuwento kung anong nangyari sa paghaharap nila. Basta naayos na ‘yun at bukas nga sa Startalk ay guest si Pia para malinaw na ang lahat na okay na sila at tuluy-tuloy na ang taping nila nitong Bakit Kay Tagal ng Sandali.

Nag-pictorial na nga sila kahapon at wala namang problema. Pero ayaw na ring magsalita ni Maxene, ayaw na rin ni Pauleen. Mas mabuting mag-concentrate na lang daw sila sa trabaho at hindi na nila palakihin pa ang isyung nagpasikat sa grupong Ampalaya Anonynmous na ‘yan!

Mabuti na lang at hindi ako nagku-computer kaya hindi ko alam ‘yang mga Facebook at Twitter na iyan kaya hindi ko na alam kung ano mga pinaggagawa ng mga iyan!

Bukod pala kay Pia na aabangan ‘nyo sa Startalk bukas, may exclusive interview kami kay Sunshine Dizon kasama ang asawa niyang si Timothy Ong Tan para sagutin ang isyung buntis na nga ba ito.

Guest din namin si Samantha Lopez na mas kilalang si Gracia, dahil nagbabalik na siya rito bilang artista at kasali na nga siya sa bagong Sinenovela na Basahang Ginto.

Si Joey de Leon ang nagbigay ng pangalang Gracia sa kanya kaya may one-on-one interview sila ni Joey. Abangan n’yo ‘yan!

NAGTATAKA NAMAN SI Jolo Revilla bakit may mga lumalabas na isyung kinukuha na raw ni Grace Adriano ang anak nilang si Gab dahil ipapa-adopt daw ito sa boyfriend ngayon ni Grace na kinakasama niya. Ipapangalan na raw ni Grace si Gab sa apelyido ng karelasyon niya ngayon.

Ang pagkakaalam ko, walang ganu’ng isyu at dala-dala pa rin ni Gab ang apelyido ni Jolo na Bautista. Maayos na nag-uusap sina Grace at Jolo at ibinigay na nga ang custody ng bata kina Jolo. Nahihiram naman ni Grace si Gab kung gusto niya kaya wala silang problema.

Nakikita naman nilang maayos na maayos ang kalagayan ng bata kina Jolo at mahal na mahal ito ng pamilya, lalo na nina Bong at Lani.

Sa katunayan, isa-sama nga nila ito sa bakasyon nila sa Amerika. Nanghihinayang nga si Jolo dahil hindi siya makakasama dahil nagti-taping na ito sa bagong project niya sa ABS-CBN 2 na Noah.

Ngayong araw ay aalis sina Bong at Lani pa-Hong Kong kasama ang iba pa nilang anak at siyempre si Gab. Gusto nilang mailabas muna ito sa medyo malapit na bansa bago ito magbiyahe nang matagal-tagal pa-Amerika.

MARAMING SALAMAT PALA sa lahat na nakaalala sa kaarawan ko kahapon. Ang dami pa ngang nag-iimbita ng birthday lunch o dinner sa akin pero tumanggi na ako dahil iilan lang ang kaya kong pagbigyan.

Ayoko naman ng party-party na iyan at hindi bagay sa edad ko, ‘no!

Happy na ako sa pagtanggap ng mga inireregalo sa akin. Maraming salamat uli sa mga bumati at nag-gibsung ng mga regalo. Siyempre sa mga gustong humabol mag-give ng birthday gift, tatanggapin ko pa rin, ‘no!_

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleWillie Revillame, pinangatawanan na ang ‘di pagsipot sa Wowowee?!
Next articleSipat-eklat: Young Actor, ‘nagpapasundot’ na sa kanyang booking para tumaas ang TF!

No posts to display