Sa issue ng power rate hike
Gobyerno, pabaya – Trillanes

DALAWANG KAALYADO ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang nagkontrahan sa isyu ng big-time power rate hike.
Sinabi ni Senator Antonio Trillanes na bakas ang kawalan ng malasakit ng gobyerno sa taumbayan dahil wala itong magawa sa P4.15 dagdag-singil ng Meralco na hinati sa tatlong bagsak at inaprubahan naman ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Sagot naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, “Senator Trillanes should not be so hasty in making general statements.”
“You don’t give us due credit when the prices of gasoline go down. I think you forget that prices do go down… Precisely, the power rate [hike], we’re investigating. Your assumption, your conclusion that we do nothing, that prices go up, that is a fallacy.”
Iginiit pa ng mambabatas na mismong ang punong ehekutibo ang nagsabing wala siyang magagawa para pigilan ang nasabing dagdag-singil.
Ang itinutulak aniya, “Kung sino man ang nag-advise sa Presidente na wala siyang magagawa sa power rate hike eh, dapat iharap nila sa taumbayan ‘yun at sibakin sa puwesto kasi hindi p’wedeng ganu’n.” Makapangyarihan aniya ang Pangulo at marami itong maaaring gawin kung gugustuhin nito.
“Binara ako ng spokesman niya (PNoy)… They should be on the side of the people on this one. Huwag nilang isuko ang problemang ito sa mga kababayan natin kasi malaki ang tiwala ng mamamayan natin sa kanila,” Naging buwelta ng senador sa pahayag ni Lacierda.
Nais pa ni Trillanes na sagutin ng pamahalaan ang big-time power rate hike sa pamamagitan ng Malampaya fund o savings at kasuhan ang sinumang mapatunayang nagsamantala sa kapangyarihan para mapataas ang singil.
Katuwiran pa ng mambabatas, kapabayaan din naman ng gobyerno ang panibagong dagok na ito ng taumbayan.
Ayon naman kay Lacierda, nirerespeto nila ang posisyon ni Trillanes. Pero hindi aniya puwedeng basta-basta gamitin ang Malampaya fund na alinsunod sa batas ay nakalaan lamang sa energy exploration at exploitation.
Independent body naman anIya ang ERC kaya hindi maaaring obligahin ng gobyerno sa anumang hakbang kaugnay ng singil sa kuryente.
Kaugnay naman ng kapangyarihan ng Pangulong Aquino, “Ang pag-exercise ng executive power, dapat may legal na basehan,” pahayag ni Lacierda.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

One thought on “Sa issue ng power rate hike
Gobyerno, pabaya – Trillanes

  1. Pingback: Sa issue ng power rate hike Gobyerno, pabaya – Trillanes - ShowbizNews.ph

Leave a Reply

Your email address will not be published.