Sa insidente sa Tubbataha
Kasong Paniniktik, Inaalam na

SINISIYASAT NA ng mga kinauukulan ang posibleng pag-eespiya umano ng 12 naarestong Chinese fishermen, matapos sumadsad ang kanilang sinasakyang commercial Chinese fishing vessel sa Tubbataha Reef.

Hindi na raw naniniwala ang militar sa pahayag ng mga Chinese poachers na napadpad lamang ang kanilang barko sa teritoryo ng bansa.

Nanggaling umano ang naturang Chinese fishing boat na Min Long Yu sa Indonesia at Malaysia.

Ayon kay Western Command spokesman Maj. Oliver Banaria na ang nasabing fishing boat ay may karampatang instrumento na makapagtutukoy sa kanilang lokasyon.

Sinampahan na ng kasong poaching ang 12 Chinese crewmen kamakalawa habang kahapon nagsampa ng panibagong kaso ang mga kinauukulan laban sa mga mangingisda partikular sa isa na nagtangkang sumuhol sa mga awtoridad.

Sa ngayon, posibleng sa susunod na linggo na hahatakin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang sumadsad na Min Long Yu vessel sa Tubbataha Reef.

Sinabi naman ni Rear admiral Rodolfo Isonera na pinadala na nila sa pinangyarihan ng insidente ang BRP Corrigedor na may kumpletong kagamitan.

Unang sisipsipin ang may 80,000 litro ng diesel saka papalutangin at aalisin na sa Tubbataha Reef.

Ang Pilipinas muna ang gagastos sa paghila sa nasabing Chinese vessel habang hindi na natutunton ang may-ari ng private vessel.

Umapela naman ang China na pakawalan ang 12 mangingisda na inaresto bunsod ng pagkakasadsad ng kanilang sasakyang pandagat.

Samantala, mismong

si Consul General Shen Zicheng at Third Secretary Li Jian ng Chinese Embassy ang nakipagkita sa pamunuan ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines upang hilingin ang pagpapalaya sa 12 Chinese fishermen.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.