SA IKATLONG ANIBERSARYO Ni Raimund C. Agapito, Ph.D.

PUBLISHER’S NOTE

NAGSIMULA ANG REPUBLIKA Publishing sa isang ideya ng mapangahas na uri ng pamamahayag na naglayong magbigay ng bago sa panlasa ng mambabasang Filipino. Tatlong taon na ang lumipas, inilabas ang unang isyu ng Pinoy Parazzi bilang isang Lunes-Miyerkules-Biyernes na magbloid o ang pinagsamang magazine at tabloid sa isang babasahin. Marami ang nagduda sa kakayahang mabuhay ng istilong paparazzi sa lokal na pamamahayag dahil hindi raw handa ang konserbatibong kultura para rito. May mga nagsabi ring mahihirapan ito dahil baka hindi ito sakyan ng iba’t ibang puwersa ng merkado. Subalit marami rin naman ang sa kabilang banda ay natuwa sa ideya dahil ito ang maaaring bumasag sa tradisyunal na kalakaran ng pamamahayag. Marami ang nakita ito bilang senyales na pag-unlad at pagbabago na maaaring sumabay sa internasyunal na uri ng pamamahayag.

Sa tatlong taon ay nakita ang paglakas at paglawak ng sirkulasyon ng Pinoy Parazzi bilang babasahing pinagmumulan ng panlibang, impormasyon at opinyon ng pangkaraniwang mamamayan. Marahil, maaari na ring sabihin na nakagawa na ito ng impact sa kabuuan ng entertainment reporting sa iba’t ibang midyum tulad ng TV at radio kung saan ang Pinoy Parazzi ay madalas maging batayan ng pagbabalita. Bukod dito, nagawa rin nating bigyang-aliw at impormasyon ang milyong kababayan natin lalo na ‘yung mga nasa ibayong dagat sa pamamagitan ng internet. Ang presensya ng www.pinoyparazzi.com sa internet ay nakatulong upang malibang at makilahok ang ating mga OFW sa forum na siyang nagpalapit ulit sa kanila sa sariling bayan. Ang website ng Pinoy Parazzi ay isa na sa pinakabinibisitang entertainment website sa bansa at pasok din sa radar ng Alexa.com. Sa ginawang partnership ng Republika Publishing at Ideal Minds Corporation, maaasahan nating lalo pang lalakas at lalawak ang ating website upang makapagpasaya at magbigay ng impormasyon sa mamamayan.

Sa ngalan ng kawani, manunulat, kolumnista at bumubuo ng editorial ng Pinoy Parazzi, ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng mga dealers, ahente at vendors na patuloy naming naging partner sa pagpapalaganap ng pahayagan, maraming salamat dahil kung hindi sa inyo, hindi lalaki ang sirkulasyon natin. Taos-puso ang aking pasasalamat sa lahat ng mga advertisers na tumangkilik at nakatulong natin upang magtuluy-tuloy ang ating paglabas. At higit sa lahat, sa mga mambabasa na tumangkilik, ang aking pasasalamat ay kasabay ng aking pangako na makaaasa kayo na ang susunod na ikaapat na taon ay magiging puno ng mas maiinit at kontrobersyal na istoryang matutunghayan.

Muli, maraming salamat po sa inyong lahat at nawa ay patuloy tayong pagpalain ng Panginoon.

Pinoy Parazzi

About the Author

has written 557 stories on this site.

loading...

One thought on “SA IKATLONG ANIBERSARYO Ni Raimund C. Agapito, Ph.D.

Leave a Reply

Your email address will not be published.