Sa First Day ng Pork Barrel Probe; Mga Senador ng Oposisyon, Nakaladkad

NAKALADKAD ANG pangalan ng mga senador ng oposisyon sa unang araw ng pagsisiyasat ng Senado hinggil sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas na kinasasangkutan ni Janet Lim-Napoles.

Base sa isinagawang pagsisiyasat ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona III, tanging ang pangalan nina Senate minority leader Juan Ponce Enrile, Sen. Gringo Honasan, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ang paulit-ulit na binanggit ni Commission on Audit (COA) chairperson Ma. Gracia Pulido-Tan sa kanyang powerpoint presentation.

Kung hindi pa ipinagpupumilit ng minorya sa pamamagitan ni Sen. JV Ejercito ay hindi nakapagtanong si Sen. Nancy Binay kung saan naungkat ang pangalan ng ilang majority senators tulad nina Sen. Ralph Recto, Sen. Lito Lapid at dating Sen. Edgardo Angara sa kwestyunableng paggamit ng pork barrel base sa ulat ng COA.

Lumalabas sa ulat ni Tan sa Senado, nasa P6 billion ang nakapaloob sa kanilang 2007-2009 COA audit kung saan nadadawit ang nasa 82 non-governmental organizations (NGOs) at kabilang dito ang walong NGOs na konektado umano kay Napoles.

Sa walong NGOs ni Napoles, nakasentro ang presentasyon ni Tan kung saan si Revilla ay may kabuuang P483 milyon ang inilabas nitong pork barrel fund, P332 milyon naman kay Enrile, P262 milyon kay Estrada habang P14 milyon kay Honasan.

Sinabi ng COA na sina Enrile, Honasan at Revilla ay umamin na kanilang mga lagda ang nasa dokumentong nakalap na may kinalaman sa paglaan ng kanilang pork barrel fund, habang si Estrada ay hindi umano sumasagot sa kanilang request.

Sa panig ni Recto na nagkataon na dumalo sa pagdinig na umano’y naglaan ng nasa P28 milyon ng kanyang pork barrel sa kwestyunableng NGO, binuweltahan nito ang COA at tinanong kung mayroon siyang endorsement o authorization para sa partikular na NGO, bagama’t itinanggi ito base sa COA audit.

Maaalala na sa katanu-ngan ni Binay sa COA, binanggit din si Lapid na naglaan umano ng P22 milyon ng kanyang pork barrel habang nasa P14 milyon naman kay dating Sen. Edgardo Angara.

Bagama’t ang NGO na pinaglaanan nina Angara, Recto at Lapid ng pork barrel fund ay lumalabas na hindi kabilang sa walong NGOs ni Napoles.

Sa nasabing pagdinig ay ipinaliwanag din ni Tan ang proseso ng paglaan ng pork barrel at kung paano ito nakakapunta sa mga kwestyunableng NGOs.

Inihayag ni Tan na manggagaling ang endorsment sa isang legislator papunta sa Deparment of Budget and Management (DBM), at mapupunta sa implementing agency at saka sa NGOs. Karamihan rin aniya sa kanilang na-audit ay iligal dahil kailangan muna ng isang batas o ordinansa bago mailipat ang pera mula sa implementing agency papunta sa NGOs, bagay na hindi natagpuan sa mga inimbestigahan na proyektong pinaglaanan ng milyun-milyong pisong pork barrel funds.

Tanging mga kinatawan lamang mula sa COA ang humarap sa unang araw ng pagsisiyasat ng Senado at itutuloy ito sa susunod na araw ng Huwebes kung saan imbitado na ang kinatawan mula sa DBM.

Samantala, sinabi naman ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. TG Guingona III na saka na lamang iimbitahan si Napoles at iba pang mga witness sa oras na makumpleto ang testimonya ng COA at DBM.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.