Sa dami ng dinaraanang intriga: Marian Rivera at Dingdong Dantes, nagkakalamigan na?

NAKAKUWENTUHAN NAMIN SI Kuya Boy Abunda nu’ng Tuesday night sa kanyang dressing room sa ABS-CBN studio, pagkatapos niyang sumalang sa kanyang programang SNN (Showbiz News Ngayon). Isa sa napagkuwentuhan namin ay ang tungkol sa isyung diumano’y kinukumbinsi ng kanyang alagang si Mariel Rodriguez ang husband nitong si Robin Padilla, na lumipat na ng bagong talent manager, at dapat nga raw ay kay Kuya Boy na magpa-manage, para mas sumikat pa.

Pinabulaanan ni Kuya Boy ang nasabing intriga. Kahit daw nagpakasal na sina Mariel at Robin, hindi pa naman siya ganu’n ka-close sa action superstar. Ang sa kanya, naroon lang ang paghanga na si Binoe ay matatag pa rin ang movie career, kahit pa nga sabihing hindi na uso ngayon ang action movies. Pero nababaitan naman daw siya sa husband ni Mariel. Nahihiya raw si Abunda sa pagkalat ng tsismis, na may pagkumbinsi sa ex-husband ni Liezel Sicangco para mapunta sa kanya ang pamamahala ng career. Wala raw iyong katotohanan.

Punto naman ng marami, hindi na rin kailangang maging dahilan pa na si Robin ay i-manage ng ibang talent manager para lang mas sumikat pa. Hellooo! Ano ba ‘yan? Anong kasikatan pa ang kailangang mangyari sa kanya, samantalang kung layo ng kasikatan ang pag-uusapan, narating na niya ang sobrang init ng kanyang popularity? Hindi lang siya ang artista na dapat magkamit ng suwerteng kasikatan. Ang mahalaga ay nariyan pa rin siya.

Samantala, ayaw nang pag-usapan pa ni Kuya Boy ang tungkol sa paghingi sa kanya ng tawad o paumanhin ni Tita Swarding. Wala siyang galit o hinanakit na nararamdaman kay Tita Swarding. Mayroon lang daw talagang mga tao, na nagre-react para kay Kuya Boy, tungkol sa isyung ibinalita ni Tita S. Pero sa tagal na ni Kuya Boy sa showbiz, ganu’n daw talaga at laging mayroong mga intriga, na ang kailangan lang ay pagkaklaro para matuldukan. Tapos na raw iyon, dahil malapit din naman sa puso niya si Tita Swarding.

NAGDE-DENAY ANG KAMPO ni Marian Rivera tungkol sa isyung diumano’y nang mag-guest sa sitcom na Show Me Da Manny ng GMA-7 ang Miss Universe 4th runner-up na si Ma. Venus Raj ay nakapag-comment ang alaga ni Popoy Caritativo ng salitang: “Ang chaka pala ni Venus!” dahil iyon diumano ang unang pagkakataon na nakita ni Marian nang malapitan ang sikat na sikat ngayong beauty queen.

Napabuntong-hininga na lang daw si Marian dahil sa mga nagdidiin sa kanya tungkol sa isyu ng panlalait sa hitsura ni Venus. Kasi nga naman, napupuno na rin si Marian, dahil parang ang pakiramdam niya ay ang dami-dami na talagang naghahanap ng butas para siraan siya. At sa konting pagkakamali niya, gagawin na iyong isang malaking intriga. Pagod na rin daw si Marian na mag-react sa mga intrigang ibinabato sa kanya.

Pero sa totoo lang, kung totoo mang nag-comment si Marian tungkol sa hitsura ni Venus, hindi naman talaga siya nag-iisa sa maraming tumitingin ngayon sa hitsura ni Miss Raj. Sikat na sikat siya, kaya libre naman talaga na lagi siyang pagmasdan at isipin natin kung ano ang palagay natin sa kanyang kagandahan. Sa totoo lang din, bongga ang byuti at kaseksihan ni Venus, pero mayroon talaga siyang mga anggulo na hindi nakaaaliw pagmasdan. Hindi nawawala ang respeto at pagpapahalaga natin sa kanya, dahil karangalan na siya ng bansa natin. Pero talagang namimili ng anggulo ang byuti niya.

Balik kay Marian, nalalapit na ang pagtatapos ng kanyang teleseryeng Endless Love kasama si Dingdong Dantes. Pero may kabuntot na intrigang habang papatapos na ang kanilang serye, parang nagkakalamigan na rin ang kanilang relasyon, dahil na rin sa dami ng dinaanan nilang intriga nitong mga huling araw.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleArnel Ignacio, ipinipilit ang sarili kay Suzuki Sadatsugu?!
Next articleJames Yap, walang ibinibigay na financial support kay Baby James!

No posts to display