Sa break-up nila ni Gerald Anderson BEA ALONZO, DEDMA!

OKEY LANG NAMAN para kay Bea Alonzo ang ginagawa niyang pananahimik tungkol sa kontrobersiyal na break-up diumano nila ni Gerald Anderson. Kaya lang, para sa mas nakararami, isa na siyang malaking katawa-tawa, dahil para naman daw ang dalas-dalas ng kanyang pananahimik sa maraming isyu sa kanyang movie career. Una sa lahat, pinagtataasan ng kilay ang hiwalayan nilang iyan, dahil lokohan daw ba, na maghihiwalay samantalang wala pa naman silang pormal na pag-amin na naging sila nga?

Paulit-ulit lang naman kasi si Bea sa kuwento ng kontrobersiyal niyang biglaang pakikipaghiwalay. Ano kayo? Nag-show rin noon ang grupo ng ASAP ng ABS-CBN sa ibang bansa, kung saan nagkatuwaan daw mag-inuman, habang noon ay si Jake Cuenca ang balitang malapit na lalaki sa puso ni Bea. Ano ang nangyari? Nagwala raw roon si Roxanne Guinoo, na noon ay hindi pa nakakapag-move on sa hiwalayan nila ni Jake. Ang ending, nang umuwi sa Pilipinas ay wala na talagang paglilinaw na ginawa ang original na ka-loveteam ni John Lloyd Cruz tungkol sa kanila ni Jake. Basta ganu’n na lang. Wala na lang talaga. Me gano’n? May hiwalayan na lang bigla kapag pumunta sila’t nag-show sa ibang bansa!

Heto na naman ulit si Bea. Talagang deadma siyang magsalita tungkol sa kanilang isyu ni Gerald nang bumalik sila sa Pilipinas mula sa ibang bansa, kasama ang ibang Kapamilya stars dahil sa kanilang Hearthrob concert tour. Hayun ulit, na habang deadma si Bea na magsalita, ang handler niya ang sumasagot na hindi pa raw ito ang tamang panahon para sa pagsasalita ni Bea.

NAPAKA-UNSTABLE PA NAMAN kasi ng kasikatan ni Carla Abellana, kaya bilang ama ay hindi puwedeng kuwestiyunin ang pagmamalasakit ng kanyang daddy at aktor na si Rey PJ Abellana, na para sa kanya ay dapat na wala munang maging boyfriend ang kanyang anak. Nagulat din kasi si Rey sa mga nakakarating sa kanya, na diumano’y karelasyon na ng magandang aktres si Geoff Eigenmann. Hindi naman si Geoff dito ang tinututulan ni Abellana.

Nanghihinayang lang kasi si Rey, dahil nabibigyan nga naman ngayon ng magandang pagkakataon ang kanyang anak sa bakuran ng GMA-7, at nararamdaman na rin naman ang kanyang kasikatan, dahil marami na ang nakakakilala sa kanya.  Pero hindi naman daw pupuwedeng makialam si Rey, kundi pagmamalasakit lang. Wala kasi sa poder niya si Carla, kaya naglalabas lang daw siya ng kanyang saloobin. Nanggaling din kasi si Rey sa pakikipag-loveteam noon sa dating aktres na si Leni Santos, at pumatok ang kanilang tambalan, dahil inalagaan nila iyon.

Sa ngayon kasi, kahit nariyan na si Carla ay hindi pa rin naman kasi siya makaabante nang todo sa bakuran ng Siyete, dahil nakaposte pa roon ang kasikatan ni Marian Rivera. Kung wala nga namang boyfriend si Carla, parang hindi mawawala kaagad ang pagpapantasya sa kanya, lalo na ng mga kalalakihan, dahil napakaganda ng kanyang mukha. Kaya lang, mahirap din naman sigurong pigilan na ma-in love si Carla kay Geoff, dahil halata na rin naman sa hitsura ng aktres, na hindi na siya bagets.

NAWIWINDANG NA SIGURO ngayon si Shalani Soledad, dahil kung dati-rati ay napakapribado ng kanyang buhay at punung-puno siya ng misteryo nu’ng wala pa siya sa showbiz, ngayon ay nagbago na ang lahat.  Magmula nang mapasama siya sa Willing Willie ni Willie Revillame sa TV5, hayan at kung anu-anong pagpuna mula sa maraming tao sa loob at labas ng showbiz ang kanyang nararanasan ngayon. Hindi raw siya pang-showbiz kahit maganda ang kanyang mukha. Hindi raw siya bagay mag-host, dahil napakahinhin at mabagal siyang magsalita. Pati pananamit niya ay inookray na rin.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleJanno Gibbs, sinumpong ng matinding depression?!
Next articleJuliana Palermo, 4-buwang buntis!

No posts to display