Sa biktima ng killer bus
‘Wag Magpa-areglo – LTFRB

PINAYUHAN NG Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pamilya at biktima nang malagim na aksidente na kinasangkutan ng Don Mariano Transit Company, na huwag magpaareglo sa kasong dapat kaharapin ng nasabing kumpanya.
Inihayag ni LTFRB chair Winston Ginez na hindi kailangang pumirma ng anumang kasunduan o waiver ang mga biktima para makatanggap ng kaukulang insurance benefits.
Sinabi rin ni Ginez na “no risk” policy ang insurance coverage sa mga pampublikong sasakyan kung kaya’t hindi kailangang patunayan muna ang kasalanan ng bus company bago mabayaran ng danyos ang mga biktima.
Una nang ipinag-utos ng opisyal ang agarang pagkansela sa prankisa ng 78 units ng bus line.
Inihayag ng opisyal na tututok ang kanilang pagsisiyasat sa “road worthiness” ng mga units at “competence” ng mga draybers ito.
Aminado rin ang opisyal na ang pinakamabigat nilang parusa kung sakaling mapatunayan ang pagkukulang ng kumpanya ay pagbawi lamang sa lisensiya ng kumpanya kung saan hindi na ito mapapayagaang makapag-operate.
“Ating diringgin sa LTFRB ay ang pribilihiyo na ipinagkaloob sa Don Mariano na magnegosyo sila. Ibig sabihin, sila po ba ay karapat-dapat ho ba na magpatuloy pa sa pagnegosyo o kailangan nang bawiin ng gobyerno itong pribilihiyo para sa kapakanan ng publiko,” ani Atty. Ginez.
Matatandaan na noong September 6, 2012, napatawan na ng preventive suspension ang may 21 units ng Don Mariano Transit, subalit napaso ito nitong buwan lamang ng Abril.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.