Sa bagal ng usad ng peace talks
MILF, ‘Di Nag-aalburuto – AFP

BAGAMA’T INAMIN ng liderato ng MILF na nagagalit na ang kanilang mga ground commander hinggil sa pagkakaroon ng deadlock sa usaping pangkapayapaan, tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala silang namo-monitor na nag-aalburuto ang MILF fighters partikular sa ground.

Sinabi ni AFP Public Affairs Office chief Lt. Col. Ramon Zagala na walang nakararating na ulat sa kanila hinggil sa umano’y pag-aalburuto ng MILF.

Tiwala naman ang AFP na kung ano pa man ang mga lumalabas na mga ulat ay mareresolbaa din ito sa lalong madaling panahon.

Ayon pa kay Zagala, ang sandatahang lakas ng Pilipinas ay patuloy namang sumusuporta sa peace process para makamit ang permanenteng kapayapaan na hinahangad ng lahat.

Sa kabilang dako, inihayag naman ni MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar na hindi umano nila maintindihan kung bakit magkakaroon pa ng ammendment o pagbabago sa wealth sharing annex dahil napag-usapan na umano ito at meron na umanong initial signing.

Sinabi pa ni Jaafar na kung ang naturang usapin ang nagiging hadlang sa paglagda ng final peace agreement, magpupulong muli ang MILF central committee upang pag-aralan ang isyu at magpalabas ng desisyon.

Samantala, sinasabi na ni Jaafar na maaaring

hindi ito tanggapin ng central committee dahil sa paniniwala nila na wala na

umanong dapat baguhin dahil pirmado at napagkasunduan na ito ng dalawang panig.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.