Rufa Mae Quinto, umalis na rin sa Siyete!

HINDI LANG naman artista na seksing komedyana si Rufa Mae Quinto, kundi simpleng negosyante rin naman siya. Kaya kahit dumarating ang panahon na tagtuyot ang mga raket sa showbiz, hindi purdoy ang dating ni Peachy. Likas din sa ugali niya ang lihim na pagiging matulungin sa mga nangangailangan. Hindi na iyon ipinagmamakaingay. Pero kaya niya nagagawa ang lihim na tumulong ay dahil masinop nga siya sa pera.

Dahil naniniwala si Rufa Mae sa salitang negosyo, kaya alam niya na sa mga panahong ito ay may kailangan din siyang gawin tungkol sa kanyang showbiz career. Marami pa siyang puwedeng gawin na napasabay rati sa paglamlam ng movie industry, at siya mismo ay ang dami pa ring gustong gawin sa career niya. Pero nariyan na nga ang katotohanan, na lumamlam na ang career niya lalo na sa bakuran ng GMA-7. Mapapansin nga sa Bubble Gang na nagpapaubaya na siya, na hindi na siya ‘yung masyadong star na star ang dating sa kanilang show. Nagbibigay-daan siya sa kasikatan ng mga baguhan.

Mas malamang na sa TV5 lilipat si Rufa Mae, dahil ang nangangalaga ng kanyang career ngayon ay ang Viva Films, na sanggang-dikit ngayon ng Kapatid Network. Isang malaking pagbabago at todo-todong pagpapabongga ang magaganap kapag natapos na ang TV station ni Mr. Manny V. Pangilinan sa Mandaluyong, at ipakikilala ang mga sikat na artistang magiging bahagi ng kanilang pagbabagong-bihis, at isa si Rufa Mae sa inaasahang makakasama roon, kaya marami ang nabigla sa kanyang pag-alis sa bakuran ng GMA na matagal niyang naging tahanan.

 

BLIND ITEM: laging napapatunayan sa showbiz, na ang mga baho at eskandalo, kahit ilang dekada mo pa iyang pilit na itago ay humahanap lang ng pagkaka-taon ang panahon para malantad kung ano ang dapat at kailangang mabulgar.  Minsan pa nga, parang aksidente lang na nauungkat ang mga nakaraan na hindi na sana dapat pang makarating sa kaalaman ng publiko na umiidolo sa mga artistang iniluluklok nila sa pedestal ng paghanga.

May isang sikat na sikat na aktres na itago natin sa screen name na Farida Anderson. Namumukod-tangi ang kanyang kagandahan sa panahon ng kanyang kabataan at kasikatan sa showbiz. Tanggalan mo man siya ng kolorete sa mukha ay mala-Diyosa mo pa rin siyang pagmamasdan, dahil lalo siyang maganda at kaakit-akit sa natural niyang ganda na walang pahid ng make-up. Napakalakas ng dating ng kanyang personality, kaya tinagurian din siyang Taray Queen. Hindi mo siya puwedeng paikutin sa iyong mga palad at paglaruan, dahil siya ang gagawa noon sa iyo nang hindi mo namamalayan.

Maraming kaibigan si Farida sa showbiz, at kahit ang kanyang mga kaibigan ay humahanga sa kanyang pagdadala ng personalidad. Kasi nga, reyna ang takbo ng kanyang pamumuhay, dahil sobra siyang yumaman. Mahilig din kasi siya sa negosyo. Pero may sabi-sabi na front lang ni Farida ang kanyang katarayan para hindi mo mapasok ang kanyang kalooban at hindi mo malaman kung ano ang kanyang mga ginawa sa nakaraan para mabago ang kanyang pamumuhay. May bulung-bulungan na ginamit daw noon ni Farida ang kanyang utak, kabataan, ganda at katawan para simpleng kumabit at mang-akit ng mga mayayamang kalalakihan, na kadalasan ay sa ibang bansa niya ginagawa para hindi halata sa Pilipinas. Sa ilang pakikipagrelasyon daw sa mga mayayamang lalaki, milyun-milyon ang nakuha ni Farida, dahil sobra siyang minahal ng mga kalalakihang kanyang tinukso. Napalago niya ang perang kanyang naging kabuhayan. Maingat, malihim at simpleng pokpok si Farida kung tawagin.’

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.