Luking Gud: Rudy Hatfield, babalik na sa Brgy. Ginebra!

SIGURADONG MATUTUWA SA galak ang mga fans ng Brgy. Ginebra sa pagbabalik ni Rudy Hatfield sa kampo ng naturang team. Tsika sa Sports-Bizz, by April 6 ay pabalik na ng bansa ang mama upang lumaro muli sa kanyang mother team. Nakatakdang bumalik sa hardcourt ang ex-boyfriend ng sexy comedianne na si Rufa Mae Quinto sa April 10. Ang tanong, sino kaya sa player ng Gin kings ang ibaba para lamang ma-activate si Hatfield sa Ginebra?

Magandang balita! Malaki na diumano ang pinagbago ng ugali ni Hatfield. Kung dati ay hate na hate niya ang kanyang ex-girlfriend na si Rufa Mae (mabanggit nga lang ang name ng actress ay grabe na ang emote ng player), pero hindi na ngayon.

Malaki ang ginawa ng religion na sinaniban ni Rudy Hatfield, he is a new creation. Born-Again Christian na ang basketball player. Sa katunayan, noong bagyong Ondoy, kasama si Hatfield na tumungo rito sa ‘Pinas para sa isang mission ng kanyang grupo to help people na nabiktima ng bayo.

Alam ba ninyo nu’ng hindi pa Born-Again Christian itong si Hatfield, ang plano niya sa buhay ay mag-wrestling na lamang siya, dahil sa laki ng katawan niya. Laking pasasalamat niya at hindi naging huli ang lahat, at magbabalik na nga siya sa paglalaro. Sa pagbalik niya ng ‘Pinas, kasama niya ang kanyang asawa at dalawang anak. Yes! Nakadalawa na nga agad si Rudy, ganyan siya kabilis.

Welcome back, Rudy Hatfield!

MULI NA NAMANG pinatunayan ni Ato Agustin na isa siya sa mahusay na coach ngayon. Sa katatapos na PBL Conferenece, nasungkit ng mga alipores ni Agustin ang kampeonato. Best of three lamang ang championship game, walang awang sweep ang ginawa ng Excel Roof to get their final crown.

Ang kaibigan naming si Mayor Dennis Pineda ang super-ligaya sa pagkaka-kampeon ng team na todo-suportado ang ibinibigay niya sa koponan, dahil na rin sa mga manlalaro niya na naglalaro sa Excel Roof.

Ayon nga kay Agustin, isini-share niya lamang ang lahat ng kanyang nalalaman sa kanyang mga players. Dalawang championship na ang nakukuha ni Ato Agustin, una ‘yung NCAA na pinag-champion niya ang San Sebastian College, then ito ngang sa Excel Roof sa PBL. Wala pa kayang teams sa PBA, o sa ibang liga ang magkaka-interes kay Agustin? Sa tingin ko kahit assistant coach, puwedeng- puwede si Ato. Congrats!

SANA NAMAN SA paglipat nina Rich Alvarez at Doug Kramer sa Air21 Express ay magkaroon na sila ng breaks. Nakaka-ilang teams na ba itong dalawa mula nang mapunta sa PBA. Si Rich at Doug ay nag-abot sa Ateneo Blue Eagles. Ang totoo niyan, sila ang mga sikat na players sa Blue Eagles. Ngunit pagdating sa professional league, ni hindi sila sinuwerte, kahit pa si Alvarez ang naging number one draft pick ng Shell noon.

Sa mga hindi nakaaalam, si Rich Alvarez ang boyfriend ng singer na si Kyla, habang si Doug Kramer naman ay butihing asawa ng actress na si Cheska Garcia at mayroon na silang isang anak.

Well kahit hindi magsipaglaro sina Alvarez at Kramer, kaya nilang buhayin ang kanilang pamilya. Mga de-kalibreng pamilya ang dalawang baksetball player. Kaligayahan na nina Doug at Rich na maglaro ng basketball.

SAMANTALA, NANGUNGUNA NAMAN sa botohan ang pangalan ni James Yap para sa nalalapit na All-Star Game ng PBA na gagawin sa Puerto Princesa, Palawan sa April 23-25. Si James Yap ay nakakuha ng pinakamataas na botong 39,962 para sa South Team.

Mula nang pumasok sa Yap sa PBA since 2004, pang-anim na niyang pagkakasama sa All-Star Games. Last year, pinangunahan ni Yap ang Powerade-RP team, at naglaro siya sa North at South para sa tune-up game ng All-Star Festival as the national gear-up sa FIBA Asia Men’s Basketball Championship.

Luking Gud
by Toni Lu with Malou Aquino
Pinoy Parazzi

loading...

One thought on “Luking Gud: Rudy Hatfield, babalik na sa Brgy. Ginebra!

Leave a Reply

Your email address will not be published.