Ruby Tuason, humarap na sa Senado; kickback ni Jinggoy, inilantad

HUMARAP NA sina Ruby Tuason at Benhur Luy sa pagdinig ng Senado hinggil sa pork barrel fund scam kahapon.

Alas-9:00 ng umaga, nagsimula ang nasabing pagdinig na pinangungunahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. TG Guingona.

Kasamang humarap ng dalawa si Justice Secretary Leila de Lima at iba pa PDAF scam whistleblowers.

May dalawang pagkaka-taon umanong personal na inihatid ni Tuason ang sinasabing “kickbacks” ni Sen. Jinggoy Estrada mula sa mga ipinasok nitong proyekto sa mga non-governmental organizations ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Sa pagharap sa komite, halatang kalmado ang mukha ng dating presidential social secretary habang isinasalaysay ang mga sirkumstansiya, simula sa pagkakilala nila ni Napoles hanggang sa mga proyekto sa pagitan ng senador.

Inihayag ni Tuason na taong 2004 nang una nitong makilala si Napoles sa pamamagitan ng kanyang dating asawa.

Hiniling umano sa kanya ng negosyante na mapakilala kay Estrada dahil may ilang government projects itong hinahawakan.

Sa unang pagkakataon, nagpasok umano ang senador ng P37-milyon na halaga ng project, kung saan mayroong P5.7-milyong komisyon ito. Sinabi nito na hindi natuloy ang proyekto dahil isinauli ng mambabatas ang naturang pera.

Ayon pa kay Tuason, taong 2007 naganap ang “full transaction” ni Napoles kay Estrada, kung saan tumanggap ang senador ng P25 milyong komisyon mula sa kanyang PDAF na inilaan sa Technology and Livelihood Resource Center (TLRC).

Sa paghatid aniya ng pera sa tanggapan ni Estrada, dumadaan ito sa basement ng Senate building para makaiwas sa inspeksyon ng mga guardiya at kung minsan ay sinusundo siya ng isa sa mga tauhan ng mambabatas.

Bilang pagtupad naman sa pangakong ibabalik ang nakulimbat na pondo ng bayan, ibebenta ni Tuason ang kanyang bahay.

Dahil sa usig ng konsensiya sa nagawang kasalanan, inamin din niya na mas makakabuting mamatay na lamang siya sakaling hindi ito mabibigyan ng “immunity” sa Ombudsman.

“If I don’t get immunity, I’d ask the Lord to take me, I’d rather die. I’d die anyway of heart attack, high blood in jail,” ani Tuason.

Samantala, ipinatatawag na rin ng Senado para dumalo sa pagdinig ng PDAF scam ang aktor na si Mat Ranillo. Ito’y matapos idiin nina Tuason at Luy ang aktor bilang ahente ni Napoles.

Inihayag ni Tuason na nang tanggihan ni Estrada ang P5.7 milyong pork kickback at ibalik niya ang pera kay Napoles, pumasok sa eksena si Ranillo.

Ayon kay Tuason, si Tantoco ay kasama sa grupong MARE (Masa ang Riwasa ni Erap) na itinatag ni dating Sen. Dra. Loi Estrada, misis ni dating Pangulong Erap Estrada at ina ni Sen. Jinggoy. Chief of staff umano ito ni Loi.

Bukod naman kay Ranillo, hiniling din ni Sen. Antonio Trillanes na i-subpoena si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Zenaida Ducut, isa rin umanong pork barrel fund scam agent; Justa Tantoco, nabanggit na tauhan ni Loi Estrada; at Jess Santos, abogado ni dating first gentleman Mike Arroyo.

Pinagtibay naman ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson TG Guingona ang hirit na subpoena.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.