RP-US military deal, tuloy na

INAASAHANG LALAGDAAN ng Pilipinas at Amerika ang military deal o ang kasunduan sa Enhance Defense Cooperation (EDC) sa darating na Abril 28 o 29 kasabay ng pagbisita ni US President Barack Obama sa bansa.

Pero nilinaw ng Palasyo na hindi kailangang madaliin ang pagsumite ng naturang draft para sa pag-review ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Sinabi ni Defense Undersecretary at Philippine negotiating panel Chairperson Pio Lorenzo Batino na kanila nang isusumite ang nasabing draft sa punong ehekutibo na kanilang napagkasunduan sa pagitan ng US negotiating panel kaugnay sa pagpapaigting ng presensiya ng mga sundalong Amerikano sa bansa.

Kabilang din sa nakapaloob sa kasunduan ay ang paggamit ng mga Amerikano sa mga military base ng Pilipinas para sa maritime at humanitarian operations at ang pagtulong ng Estados Unidos sa pagpapaigting ng depensa ng bansa laban sa Tsina sa pinag-aagawang West Philippine Sea.

Iginiit pa ni Batino na alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas ang nabanggit na kasunduan at tiniyak na hindi magtatayo ng military base ang Amerika sa bansa.

Aniya, hindi kasama sa kasunduan ang pag-angkat ng nuclear weapons ng US.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.