RP-MILF Peace Pact, ‘Di Imposible

KASUNOD NANG matagum-pay na 35th formal exploratory talks sa pagitan ng grupong Moro Islamic Liberation Front (MILF), muling nagpahayag ng tiwala si Philippine peace panel chairperson Miriam Coronel-Ferrer na masi-selyuhan na sa lalong madaling panahon ang comprehensive agreement sa pagitan ng Muslim seccessionist group.

Ayon sa opisyal, nagkaroon na umano ng mas malinaw na daang tinatahak ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa MILF.

Maliban dito, nagkaroon na umano sila ng “more definitive estimate” hinggil sa timeframes kung kailan matatapos ang nilulutong kasunduan.

Una rito, base sa joint statement ng peace panel ng magkabilang panig kamakailan, nilagdaan na umano ang tinatawag na Terms of Reference para sa Third Party Monitoring Team (TPMT) na siyang magsasagawa ng review, assessment at mag-monitor sa implementasyon ng Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB) at mga Annexes.

Inaasahan na papangalanan ang mga miyembro ng komite sa loob ng kasalukuyang buwan.

Maliban dito, nagkasundo rin ang magkabilang panig na palawigin ang termino ng International Monitoring Team (IMT) at Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG) nang isa pang taon.

Samantala, muling mag-uusap ang MILF at government peace panel sa Pebrero at kumpiyansang makukompleto ang mga dokumento sa lalong madaling panahon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.