Roxas, Ipinilit na Dinoktor ang Video ng Panggigipit kay Romualdez

MULING IDINEPENSA ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang mga alegasyon ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez na aniya’y pamumulitika ng national government sa nasabing siyudad matapos ang hagupit ng super typhoon Yolanda.

Inihayag ni Roxas na minanipula lamang ang kumakalat sa Internet na 18-minutong video ng umano’y panggigipit ng kalihim kay Romualdez.

“Alam natin na lumabas itong video na ito at pinutol-putol, dinoktor [niretoke] itong pag-uusap na ito para sumuporta dun sa mga ibinahaging salita ni Mayor [Romualdez] noong Senate hearing,” ayon sa kalihim.

Kung sino aniya ang makakapanood ng kabuuang bersyon ng naturang video at makababasa ng 51 minutong transcript ng pagpupulong, makikitang taliwas ito sa sinasabing panggigitpit ang tunay na konteksto ng kanilang pakikipag-usap kay Romualdez.

Posible rin aniyang sa kampo ng alkalde nagmula ang palihim na kumuha ng video ng kanilang pagpupulong.

“Malisyoso itong video na ito, pinutul-putol, malisyoso ang intensyon nito. Kung katotohanan ang hinahanap dito, bakit hindi i-upload ‘yung kabuuan?,” ani Roxas.

Hindi rin aniya totoong binantaan niya ang alkalde, taliwas sa sinabi ng kalihim sa kanyang pagharap sa Senado.

Aniya para sa pormalidad lang din ng pag-takeover sa lungsod ang sulat na noo’y hiningi ni Roxas kay Romualdez dahil ayaw ng Pangulo na mabahiran ng ‘kulay’ ang gagawing hakbang ng administrasyon.

Paliwanag pa ni Roxas, ginawa rin ng national government kay Zamboanga City Mayor Beng Climaco ang kaparehong proseso nang mag-takeover ito sa seguridad at law and order sa gitna ng pagkubkob ng rebeldeng grupo sa ilang bahagi ng lungsod noong Setyembre.

Pinabulaanan din ng kalihim ang alegasyon ng alkalde na hindi binigyan ng tulong ng pamahalaan ang mga nabiktima ng bagyo sa Tacloban kahit pa humingi na ng tulong ang lokal na gobyerno.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.