Roxas, Bumuwelta kay Romualdez

MARIING PINABULA-ANAN ni DILG Sec. Mar Roxas na nahaluan ng pulitika ang isinagawang relief operations sa Tacloban City na malubhang hinagupit ng bagyong Yolanda.

Itinanggi rin ni Roxas ang lahat ng mga akusasyon na ibinato laban sa kanya ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa pagharap nito sa Congressional oversight committee ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Ayon sa kalihim, hindi niya pinapagawan ng sulat si Romualdez para sabihing hindi na magampanan ng alkalde ang trabaho upang makapasok ang national government sa relief operations.

Inihayag ni Roxas na hindi rin nito sinabihan ang alkalde na dapat itong maghinay-hinay dahil isa siyang Romualdez at ang pangulo ng bansa ay isang Aquino.

Bagama’t inamin nito na nagsabi siya na ang mayor ay Romualdez at ang pangulo ay isang Aquino, pero ang konteksto umano nito ay ang reyalidad na baka mahaluan ng pulitika ng ibang sektor.

Nanindigan si Roxas na hindi pinupulitika ang Tacloban dahil nakita naman umano ang pagbuhos ng tulong sa naturang lugar kabilang na ang pagpapadala ng mga equipment at mga awtoridad.

Una rito, gulat daw at hindi makapaniwala si Romualdez nang banggitin sa kanya ni Roxas ang mga katagang: “You had to remember and very careful, you are a Romualdez and the president is an Aquino.”

Sinabi ng alkalde na pansamantala niyang kinalimutan ang pagkakaiba ng mga partido, pero kung may ilan na hindi ito maisantabi kahit may bagyo, iyon ay maituturing na malungkot na bahagi ng pamumulitika.

Ang tunggaliang Aquino at Romualdez ay nagsimula pa noong rehimeng Marcos.

Una nang nilinaw ni Romuladez na hindi siya nagtungo sa Senado para magkaroon ng pagkakataong batikusin ang national government hinggil sa pagtugon sa epekto ng bagyong Yolanda.

Inihayag ni alkalde na batid niyang parehong may tungkulin ang local at national government sa mga ganitong sitwasyon.

Partikular aniyang nagkaroon ng pagkukulang sa koordinasyon at ito ang dapat maiwasto sa mga susunod na pagkakataon.

Nais din umano ni Romuladez na makatulong sa pagbalangkas ng Kongreso ng nararapat na batas sa mga kahalintulad na sitwasyon kaya siya personal na humarap sa pagdinig ng Congressional Oversight Committee.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.