Robredo, bangkay na nang matagpuan

MAKALIPAS ANG may tatlong araw, natagpuan na rin ang mga labi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jesse Robredo mula sa bumagsak na twin-engined Piper Seneca plane sa karagatan ng Masbate.

Kinumpirma ito ni Transportation Sec. Mar Roxas, matapos ang isinagawang diving o-peration kahapon ng umaga ng technical divers na kinabibila-

ngan ng dalawang British divers.

Ayon kay Roxas, dakong alas-7:45 ng umaga ay natagpuan ng mga diver ang fuselage ng eroplano sa lalim na tinatayang 180 feet o 800 metro ang layo mula sa dalampasigan.

Ayon sa isang diver, makikilala naman kaagad ang kalihim sa mukha at sa damit nito. Ang damit ay may logo pa ng DILG at suot pa rin ang wristwatch nito sa kamay na umaandar pa.

Dakong alas-8:15 nang makumpirma na ito na nga ang bangkay ni Robredo.

Iniahon ang mga labi ng opisyal sa surface ng karagatan at ikinarga sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG).

Patuloy pa rin ang retrieval sa mga labi ng dalawang piloto na si Capt. Jessup Bahinting at Nepalese na si Kshitiz Chand.

Samantala, dumating na ang labi ng namayapang kalihim sa Naga City.

Bandang alas-12:45 ng hapon nang lumapag sa tarmac ng Naga City airport ang C130 plane lulan ang labi ni Robredo.

Gaya ng kanyang pangako, personal na iniuwi ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang mga labi ng namayapang miyembro ng gabinete at kaibigan sa pamilya’t mga kababayan nito. Sinalubong ito ng maybahay ni Robredo at tatlong anak.

Nandoon din ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan at nagkaroon ng isang arrival honors.

Nag-aabang naman sa labas ng paliparan ang mga kababayan ng kalihim na nakikiramay sa pamilya nito.

Ayon naman sa tagapagsalita ng pamilya Robredo na si Jun Lavadia, ilalagak ang mga labi ng kalihim sa Archbishop’s Palace sa nasabing lungsod.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 8700 stories on this site.

One thought on “Robredo, bangkay na nang matagpuan

  1. Rest in peace Mr. Secretary. May you guide those who will follow your steps because we are still dreming of a better Philippines! Eternal rest grant unto thy soul. Amen.