Rj Padilla, masaya sa magandang career ng kapatid na si Daniel Padilla

Daniel-Padilla-RJ-PadillaNATUTUWANG IKINUWENTO ng Kapuso star na si RJ Padilla ang mga nararanasan niya kapag nagkakasama sila ng half-brother niyang Kapamilya star na si Daniel Padilla. Hindi man daw madalas na nagkikita ay walang sad moment sa magkapatid kapag sila na ang magkasama.

Aminado si RJ na may dalawang taon pa lamang nang una silang nagkaharap, although alam naman niya na may kapatid pa siya sa ama na si Rommel Padilla. Hindi na siya nabigla dahil alam naman niya na may pagkapalikero ito. Natuwa na lamang siya nang malaman niyang magkakaharap na silang magkapatid na kapwa na sila nasa showbis noon.

Sa una nila umanong pagkikita ay nagkailangan pa sila, kapwa pa umano silang nagpapakiramdam at naghuhulihan ng ugali.

“Hindi naman ako nahirapan na pakisamahan si Daniel dahil pareho naman pala kaming kalog. Nagkakapareho rin kami ng ugali, pati na ang mga ayaw at gusto namin,” aniya.

Hindi naging usapin sa dalawa kung magkaiba man sila ng ina. Si RJ ay anak ni Rommel kay Annabel Antonio, at si Daniel naman ay kay Karla Estrada. Ang mahalaga ay kapwa nila mahal ang isa’t isa, pati na ang buong pamilya na handa nilang ipaglaban at ipagtanggol sa sinumang maaaring sumira sa kanilang angkan.

“Kahit pareho na kaming busy lalo na sa trabaho ay hindi namin nakaliligtaan ang aming bonding moment, basta’t nagkaroon ng pagkakataon. Naisisingit namin ito at nakakasama din namin si Papa. Kapag sa bahay lang ang trip namin, naipagluluto pa niya kami. Nandu’n na ang mga harutan at halos wala nang katapusang biruan naming tatlo,” kuwento pa niya.

Minsan daw ay niyaya siya ni Daniel na mag-basketball. Hindi siya handa noon dahil wala siyang panlarong bihisan. Inihanap siya ng kapatid ng maisusuot na panlaro. Isa sa mga ipinagamit sa kanya ay rubber shoes. Dahil magka-size naman sila ay tuluyan na itong ibinigay sa kanya.

“Wala talaga akong masasabi sa kapatid ko. Sobrang bait. Minsan nga ay ipinag-shopping pa niya ako,” dagdag pa niya.

Nagagalak umano siya para sa kapatid, lalo na pagdating sa career nito na malayo na ang nararating. Thankful siya na lagi rin siyang nabibigyan ng project ng Kapuso Network. Sa simula pa lamang ay sa GMA TV station na niya hinangad na magtrabaho kung papasukin niya ang showbiz. Kaya naman magpasa-hanggang ngayon ay Kapuso star pa rin siya. Katatapos lamang niyang pumirma ng panibagong dalawang taong kontrata noong nakaraang buwan.

Regular naman siyang mapanonood sa TV sitcom na Bubble Gang, kung saan higit siyang nag-e-enjoy, dahil ito naman talaga ang angas niya, ang magpatawa. Kasama pa rin siya sa sitcom ng TV5 na 2 and 1/2 Daddies na pinangungunahan ng Padilla clan na sina Robin Padilla, Rommel, at BB Gandanghari.

Marami na rin siyang naging movies at kahit pa drama ang istorya ay naipakikita pa rin niya ang kanyang potensyal sa pagpapatawa, lalo sa mga movies ng kanyang Uncle Robin. Last movie niya with his uncle ang Bonifacio, na humakot ng maraming awards sa MMFF 2014.

Ni Marialuz Candaba

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.