Rizal District Jail Warden, sinibak 1 PATAY, 2 SUGATAN SA MADUGONG JAILBREAK

RIZAL – PATAY ANG isang detainee habang malubhang nasugatan ang dalawa pa, samantalang malaya namang nakatakas ang isa sa dalawa pang nakatakas sa isang madugong jailbreak kamakalawa sa bayan ng Teresa.

Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Manuel Prieto ang nasawi na si Mario Cruz, 50 anyos, habang sugatan naman sina Gary Borja, 35; at Reynaldo Tampipi.

Narekober naman si Norman Palyargas, 24, habang patuloy ang pagtugis sa puganteng si Jomer Cruz pawang detainee sa District Jail na matatagpuan sa Teresa Municipal Government compound.

Sa ulat, naganap ang jailbreak dakong alas-2:00 ng madaling araw kamakalawa kung saan sinira ng mga detainee ang exhaust fan sa bubong at saka hinostage ang jail guard na si JO1 Lito Panganuran at tinangay ang service fire arms ni JO1 Roy Bangawan.

Sinira rin ng mga ito ang cyclone wire ng kulungan bago nagsitakas sakay ng kinomander na tricycle.

Agad na nagbuo ng team ang Teresa PNP at ang Bureau of Jail Management at tinugis ang mga pugante hanggang sa magkaroon ng barilan sa pagitan ng dalawang grupo na ikinasawi ni Cruz at ikinasugat naman ng dalawa pa.

Samantala, tuluyan nang sinibak sa kanyang puwesto si Rizal District Jail Warden J/Supt. Amado Concepcion matapos ang nasabing insidente.

Si Amado ay sinibak ng pamunuan ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) J/Dir. Rosendo Dial matapos na malayang makalabas ng kulungan ang limang inmates at maagawan ng baril ang isa sa jail guard.

Ang nasabing mga suspek ay sangkot sa mga kasong murder at iligal na droga sa bayan ng Taytay.

Ipinag-utos na rin ni P/Sr. Supt. Prieto ang malawakang operasyon para madakip ang puganteng si Cruz. (GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.