RIOT SA BILIBID: DUGO, DUMANAK!

NAUDLOT ANG MASAYANG ‘reunion’ ng mga bilanggo sa kanilang mga mahal sa buhay nang gulantangin ang mga ito ng kaliwa’t kanang saksakan sa Medium Security Compound, Camp Sampaguita, New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Sa inisyal na ulat, tuwing araw ng Sabado ay pinapayagan ang bawat pamilya ng bilanggo na makapag-stay-in o roon matutulog sa loob ng kulungan, kaugnay pa rin sa katatapos pa lang na pagdiriwang nga National Correctional Consciousness Week.

Napag-alamang habang masayang kapiling ng mga bilanggo ang kanilang mga mahal sa buhay, bandang alas-7 ng gabi noong Sabado sa Bldg. 5, bigla na lamang sumiklab ang riot o kaguluhan na sinimulan ng Sputnik sa pamamagitan ng pananaksak sa isang BC45 (Batang Cebu) na agad na ikinamatay ng biktima.

Dahil dito, naging “free for all” na umano ang kaguluhan kung saan sumali na rin ang BSL (Batang Samar-Leyte) at BCJ (Batang City Jail) na mga kilalang kaalyado ng BC45.

Ang nasabing saksakan sa Bldg. 5 ay agad din umanong nasundan sa Bldg. 6 at maging sa Bldg. 2, kung saan sa inisyal na ulat ay marami agad ang malubhang nasugatan. Ilan sa mga ito ang kasalukuyang ginagamot  sa Rodriguez Medical Center, samantalang ang iba naman ay ginagamot sa Maximum Hospital upang maitago sa mata ng media dahil may mga tama ang mga ito, mula sa M-14 na baril na hawak umano ni PG1 Roberto Pensuan.

Dahil dito, agad na umayuda ang mga ICA (Inmate Custodial Aide) at mga Prison Guards kung saan habang pinahuhupa ang kaguluhan ay ini-eskortan din palabas ng kulungan ang mga dalaw na naka-stay-in.

Ilang dalaw naman ang nagpaabot sa Pinoy Parazzi na sa sobrang kaguluhan ay hindi na umano nila nasinop ang kanilang mga anak na ang iba ay kahapon na ng umaga natagpuang nagsisiksikan sa visiting area at sa iba pang sulok ng Medium.

Nalaman din ng pahayagang ito na kagabi mismo ay dinala sa Maximum Security Compound ang lahat ng patay ganu’n din ang maraming mga grabeng sugatan upang gamutin sa ospital ng Bilibid.

Maging ang mga “kumander” o pinakamataas sa apat na pangkat na sangkot sa riot ay dinala rin umano sa Maximum, samantalang ang sputnik na siyang nagpasimula ng gulo ay binigyan din agad ang kanilang “kumander” ng special trip papuntang kolonya.

Napag-alaman din na ang nasabing riot ay nag-ugat umano sa utang ng Sputnik sa BC45 sa halagang P40 kung saan uminit ang ulo ng Sputnik nang pilit siyang sinisingil kahit walang pera, kaya panaksak na lang ang ibinayad nito.

(JUN BRIONES)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.