Rider, Todas sa Steel Plates

NASAWI ANG isang rider makaraang mabagsakan ng mga kargang steel plate ng isang 6-wheeler truck na nawalan ng preno hanggang sa tuluyang tumagilid sa San Andres, Maynila, kamakailan.

Nagkalasug-lasog ang katawan ng nasabing biktima na si Manolito Tupaz, 38,  ng  Road 12, Fabie Estate, Sta. Ana, Maynila, habang sugatan naman si Ronald Cestuto  sa Ospital ng Maynila.

Sumuko naman sa Dagonoy Police Community Precinct bago nai-turn-over sa Manila Traffic Bureau ang salarin at driver ng Isuzu Elf (TDT-721) na si Alex Damaso, 49, ng Waling-waling St., Caloocan City.

Base sa pagsisiyasat ni SPO1 Elizalde Obena, dakong alas- 10:20 ng umaga nang maganap ang insidente sa intersection ng Osmeña Highway at San Andres, Maynila.

Galing sa south ang kulay blue na Isuzu Elf nang mawalan umano ng preno kaya kinabig ito sa pakaliwang direksiyon ni Damaso na eksaktong naka-red light na, subalit tumagilid ang truck na bunga ng mabigat na kargang bakal ay dumausdos pabagsak sa katabing motorsiklo ni Tupaz.

Pumailalim pa sa truck si Tupaz bago nabagsakan ng steel plates habang ang masuwerteng si Cestuto ay nagkaroon lamang ng mga sugat at pasa.

Sa ngayon, inihahanda na ang isasampang Reckless Imprudence resulting to homicide, Physical Injuries at Damage to Property laban sa suspek.

Samantala, may nadamay rin na isa pang truck na nabasagan naman ng windshield.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.