Rider, durog sa truck

NAGKABALI-BALI ANG buto ng isang 28 anyos na lalaki makaraang tumilapon nang may ilang metro ang layo sa sinasakyang motorsiklo nang direktang bundulin ng isang mabilis na truck sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Hindi na nagawang dalhin sa pagamutan sanhi ng tinamong kapansanan sa katawan ang biktimang si Alejandro Hipolito, 28, may-asawa at residente ng #1382 Sawata Area 1, Maypajo ng nabanggit na lungsod.

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Jun-Jun Columna, 25, truck driver at may address na c/o # 3 Ilagan St., San Francisco del Monte, Quezon City.

Base sa pinagsamang imbestigasyon nina SPO2 Vergilio Minina at PO2 Rodelio Asuncion, may mga hawak ng kaso, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng C-3 Road.

Nabatid na parehong tinatahak ng namatay sakay ng kanyang Honda motorcycle na may plakang UD-8864 at ng Isuzu Elf na may plakang PDL-896 sakay naman ang suspek sa nasabing lugar.

Sa bilis na tinatakbo ng truck ay direktang nabundol nito ang unang bahagi ng motorsiklo dahilan upang tumilapon ang biktima nang may 30 metro ang layo at nakaladkad pa nang may 57 metro ang layo na nagresulta sa pagkamatay ng biktima ng mga sandaling iyon.

Ang suspek ay nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police Traffic Division at nakatakda itong kasuhan ng Reckless Imprudence Resulting to Homicide.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.