Richard Gomez, gaganap sa papel na Ka Felix sa epikong pelikula ng Iglesia Ni Cristo

NAGKAROON NA ng presscon kahapon para pormal na i-announce ang pelikulang gagawin ng Iglesia Ni Cristo.

Kuwento ito ng talambuhay ni Ka Erdie Manalo na tatampukan nina Sen. Bong Revilla, Lani Mercado, Richard Gomez at Albert Martinez.

Mala-epic movie ito na rito ilalahad ang kasaysayan ng Iglesia Ni Cristo na tinuklas ni Ka Felix Manalo.

Ang pagkakaalam ko, si Goma ang gaganap na Ka Felix na itinuring nilang Sugo.

Siyempre, suportado ito lahat ng buong kapatiran kaya sisimulan na nila ito agad.

Sa 2014 pa naman ito ipalalabas kaya walang conflict ito kina Lani at Goma na tatakbo sa darating na eleksyon.

Hindi pa naman ito sisimulan agad ni Bong dahil abala pa naman siya sa taping ng Indio at promo ng pang-MMFF niyang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at si Ako. Excited na nga sila dahil maganda ang feedback sa trailer at nakikita namang pampamilya talaga ito.

 

ANG ISA pang dahilan kung bakit excited si Judy Ann Santos sa pelikula nila nina Bong at Bossing Vic, nilipat na kasi ng December 23 ang parada kaya may panahon na raw siyang makapaghanda para sa Noche Buena nila.

Ang kaibahan daw ngayon ng Pasko nila ay medyo malaki na si Baby Lucho at nakapagde-demand na raw kung ano ang gusto nilang ihanda sa Noche Buena.

Isda lang naman daw ang gusto ng bagets kaya makapagpe-prepare daw nang bonggang-bongga si Juday.

Nu’ng mga nakaraang MMFF kasi, December 24 talaga ang parada na inaabot na ng gabi. Kaya pagod na pagod na ito pag-uwi, hindi na siya nakapaghanda nang personal dahil inubos na ng parada ang oras nito.

Pero ngayon dahil sa December 23 na ang parada, feeling niya, mag-e-enjoy ang buong pamilya niya sa mga ihahanda nito.

Humarap na si Judy Ann sa ilang press para i-promote ang Si Agimat at sinabi nga niyang sobrang kabado siya rito dahil first time na magkasama silang tatlo.

Nandu’n daw ang pressure dahil kung hindi raw sila ma-ngunguna sa takilya, tiyak na siya raw ang dahilan.

Ayaw namang mag-expect na nina Bong at Vic. Ang mahalaga mapasaya lang daw nila ang mga manonood.

 

KAWAWA PALA talaga itong si Ryza Mae Dizon ng Eat Bulaga nu’ng hindi pa siya nag-aartista?

Naikuwento nitong hindi raw niya naranasan ang mag-Noche Buena nu’ng mga nakaraang Pasko.

Wala naman daw kasi silang handa, kaya natutulog na lang daw sila. Kinabukasan, hindi naman daw siya makapag-ikot para Mamasko dahil wala naman silang pamasahe.

Kuwento pa nga ng nanay niya, nu’ng nakaraang 6th birthday raw niya, anim na Lucky Me na pancit canton lang ang handa nila para masabi lang na nagpansit sila.

Pero ngayon siyempre, iba na ang Pasko nila dahil kumikita na itong bagets at hit na hit siya ngayon.

Kaya lang wala pa silang kotse, kaya nagko-commute pa rin sila. Minsan nga nag-e-LRT lang daw sila.

Kaya wish nito ngayong magkakotse na sila at sana raw magkaroon daw sila ng bahay malapit sa Broadway para hindi na raw siya mahirapan pumunta ng studio para sa Eat Bulaga.

Malaking bagay itong pagkasali ni Ryza Mae sa pelikulang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at si Ako. Sa trailer pa lang, tuwang-tuwa na sa kanya ang mga nakapanood ng trailer.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Related Post

loading...

One thought on “Richard Gomez, gaganap sa papel na Ka Felix sa epikong pelikula ng Iglesia Ni Cristo

  1. Guapo si Richard pero yong asawa nyang si Lucy, nawalan ako ng respeto sa kanya ng sumali sa Latest, ang akala ko sa babaeng ito, class at educated and for her to join showbiz tsismis hosting side by side Cristy is low.  Lucy should have hosted a public service instead, ayusin na lang sana ni Lucy ang mga problema sa Leyte or saan man siya naging congresswoman kesa inatupang yong mga tsismis news, akala ko ba mayaman sila sa Ormoc?  Sabagay, Richard has to run for public office at ang laki ng kailangan sa politico during election time.  Nakakabawas ng respeto si Lucy at Fermin na parang kung pagsabayin, LUCIFER-min, hehehehehehe.  

Leave a Reply

Your email address will not be published.