Rica Peralejo, getting married to a pastor

MULA SA ISANG nangangarap maging pastor, sa isang totoong pastor din nauwi ang puso ni Rica Peralejo. Pastor kung tawagin si Piolo Pascual ng mga malalapit sa aktor. Mula nu’ng maging aktibo sa kanilang relihiyon si Piolo, pastor na kung tawagin ito ng mga nakakaalam kung gaano kalalim ang kanyang pananampalataya.

Ilang buwan din silang naging magkarelasyon ni Rica, hindi lang sila gaanong nagpapakita noon na magkasama, dahil pinag-iinitan ng ibang tagahanga ng aktor ang dalaga.

Personal na dumadalaw si PJ sa tahanan nina Rica, nagkakasama rin sila sa mga aktibidad ng kanilang simbahan (Victory Church), pero hindi sila gaanong makalantad dahil hindi nga gusto ng mga fans si Rica para kay Piolo.

Naalala pa namin ang sentimyento noon ng isang kaanak ni Rica. Bakit daw naman ganu’n si Piolo, ni hindi nito makuhang ipagtanggol man lang si Rica sa mga birang inaabot ng aktres nang dahil sa kanilang relasyon?

Masama ang loob noon ng mga nagmamahal kay Rica. Hindi raw ipinagtatanggol ni Piolo ang dalaga sa kung anu-anong isyung naglalabasan. Ang mahal lang daw ni Piolo, ang kanyang sarili.

‘Yun ang mahirap kapag nakakulong sa isang loveteam ang artista. Sinumang maugnay sa kanila na labas sa kanilang ka-loveteam, pinag-iinitan ng kanilang mga fans. Ganu’n mismo ang nangyari kina Piolo at Rica.

Pero laging sinasabi ni Rica sa kanyang mga panayam, hindi niya kailangang maghanap ng makakarelasyon. Ang Diyos mismo ang maghahandog sa kanya ng lalaking magmamahal sa kanya at mamahalin din niya.

Dumating sa kanyang buhay si Pastor Joseph Bonifacio, isang batambatang preacher na nu’ng una’y hinahangaan lang sa pagsasalita ni Rica. Pero nang magtagal, nauwi na sa isang ligawan.

Sampung buwan silang naging magkarelasyon, hanggang sa hingin na ng pastor ang kanyang pagsang-ayon para sa kanilang kasal. Kung hindi magbabago ang plano, sa Disyembre na sila magpapakasal.

Maraming nagtataas ng kilay sa rebelasyon ni Rica na hanggang ngayo’y hindi pa sila nagki-kiss ni Joseph. Meron daw ba namang ganu’ng magkarelasyon? Kapani-paniwala raw ba naman ang mga sinasabi ng dalaga?

Hindi namin pinanghihimasukan ang opinyon ng iba, pero kami’y naniniwala na hanggang holding hands lang ang namamagitan ngayon sa dalawa. Dahil sa sinumpaan nilang pangako na kapag kasal na sila, saka na lang magaganap ang “lahat-lahat.”

Malalim ang pananampalataya ni Rica. Kung minsan nga, may mga naiilang na sa kanyang mga sinasabi sa ere. Bakit daw ganu’n ang mga personalidad na relihiyoso?

Para na rin silang pastor kung magsalita, palagi nilang isinisingit ang Panginoon sa kanilang mga interbyu, simple lang naman ang tanong pero ginagawa nilang kumplikado?

Pero sa lahat naman ng bisyo, ‘yun ang pinakatama at pinakamaganda. Kailanman, hindi krimen ang magpakalalim sa pananampalataya.

IPINAGPALIBAN LANG MUNA ni Senador Mar Roxas ang pamamanhikan sa pamilya ni Korina Sanchez, pero tuloy na tuloy ang kanilang pagpapakasal bago matapos ang taon.

Handang-handa na sila para sa inaabangang kasalan, nakadisenyo na ang bridal gown ni Korina pati ang mga isusuot niya sa reception. Pati ang kanilang magiging giveaways, si Korina mismo ang namamahala.

‘Yun ang dahilan kung bakit kinailangang magpaalam pansamantala ni Ate Koring sa kanyang mga programang sakop ng News And Current Affairs department ng ABS-CBN. Tutok na tutok ang palabang news anchor sa mga detalye ng kanilang pagpapakasal ng senador.

Magiging aktibo rin siyempre si Korina sa kampanya ni Senador Mar. Malaking bentahe ng mambabatas sa labanan sa panguluhan ang pagkakaroon ng karelasyong kilalang-kilala sa buong bansa.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

loading...

2 thoughts on “Rica Peralejo, getting married to a pastor

Leave a Reply

Your email address will not be published.