RH Law, Simula na sa Pasko ng Pagkabuhay

SIMULA NA ng pagpa-patupad ng Reproductive Health Law ngayong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, Marso 31.

Ito ay matapos na aprubahan ng Department of Health (DOH) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RH Law o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law of 2012 sa isang programa sa Baseco, Tondo.

Maaalala na matapos ang 14 na taong pakikibaka ng mga tagasuporta nito sa kabila ng napakahigpit na pagtutol ng Simbahang Katolika, tuluyan na itong lumusot sa Kongreso noong Disyembre 19, 2012 at tuluyang pinirmahan ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’  Aquino III noong Disyembre 21, ilang araw bago naman ang Pasko ng Pagsilang.

Sinabi ng DOH na nakapaloob sa inaprubahang IRR ang mga detalye kung paano ipatutupad ang mas pinadaling access ng mga mahihirap sa family planning services gayundin ang pagtatalaga ng mga mobile health clinic sa malalayong lugar.

Kasama sa IRR kung paanong palalawigin ang saklaw ng PhilHealth sa mga reproductive health services, pagkuha at pagsasanay ng mga skilled health professionals at patuloy na pagmo-monitor at pagrepaso ng mga Reproductive Health programs ng gobyerno.

Sa pagbalangkas din ng IRR, nagkaroon ng public consultation mula sa iba’t ibang lugar sa bansa partikular sa Davao City, Cebu City at Maynila.

Sang-ayon sa section 26 ng RH Law, pinangunahan ng kalihim ng DOH ang pagbuo ng IRR kasama ang mga kinatawan mula Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang kagawaran ng pamahalaan kasama rin ang iba’t ibang non-governmental institution gayundin ang Bishops-Businessmen’s Conference for Human Development.

Sa kabila ng pagsasabatas at nalalapit na pagpapatupad ng RH Law, hindi pa rin matapus-tapos ang iringan sa pagitan ng grupo ng mga sumusuporta at kumokontra rito.

Sa panig naman ng Simbahan, tila nangangampaniya ito kontra sa mga senador na sumuporta sa pagsasabatas ng RH Law.

Magugunitang hindi pa rin natitinag ang napakalaking Team Buhay-Patay poster ng Diocese of Bacolod na sinundan na rin ng iba pang mga diyosesis sa bansa.

Sa bahagi ng Team Buhay, nakalagay ang pa-ngalan ng mga kandidatong nilabanan ang noo’y RH bill kabilang sina San Juan Representative JV Ejercito, Sen. Gringo Honasan, Zambales Representative Mitos Magsaysay, Sen. Koko Pimentel, Sen. Antonio Trillanes at dating Las Piñas Representative at ngayo’y kumakandidato sa pagka-senador na si Cynthia Villar.

Sa Team Patay naman ang mga pro-RH na sina Aurora Representative Sonny Angara, Bayan Muna Representative Teddy Casiño, Sen. Alan Peter Cayetano, Cagayan Representtaive Jack Enrile, Sen. Francis Escudero, dating Anakbayan Representative Risa Hontiveros at Sen. Loren Legarda.

Samantala, ilulunsad din sa Marso 20 ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD) ang Purple Vote campaign na may layuning hikayatin ang mga botante na suportahan ang mga mambabatas na pabor sa RH law.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

5 thoughts on “RH Law, Simula na sa Pasko ng Pagkabuhay

  1. Oh, okay cool! Thanks for the info! I have always been curious as to when this law will be enforced, cause I really like it. hehe

Leave a Reply

Your email address will not be published.