RH Law, ‘di pa p’wedeng ipatupad

HINDI PA maaaring ipa¬tupad ng pamahalaan ang desisyon ng Supreme Court (SC) sa Reproductive Health Law dahil hindi pa naman final and executory ang naturang kautusan.

Ito’y sa kabila ng report na bahagi ng desisyon ay ang pagbawi sa inisyung Status Quo Ante Order ng hukuman noong nakalipas na taon laban sa pagpapatupad ng batas.

Sinabi ni Atty. Romulo Macalintal, isang pro-life advocate na ilang bahagi pa lamang kasi ng desisyon ang naipalalabas ng hukuman at hindi pa rin nakakatanggap ng kopya ng desisyon ang mga partidong dawit sa naturang kaso.

Inihayag pa ni Macalintal na maaari pang maghain ang mga partido sa kaso ng motion for reconsideration kasama na rito ang pagkuwestyon sa pagbawi sa SQA order.

At habang nakabinbin pa umano ang MR, hindi pa maituturing na final and executory ang desisyon pati na ang pagbawi sa SQA order.

Inihalimbawa pa ng abogado ang mga kaso para suportahan ang kanyang posisyon tulad ng “Tolentino vs Secretary of Finance” noong 1994 o ang value added tax (VAT) cases na kung saan binanggit ng Korte Suprema  na sa kabila ng pagpabor nito sa legalidad ng VAT at sa pagbawi sa TRO laban sa nabanggit na buwis, pinayuhan nito ang BIR na ang desisyon ay hindi pa pinal at ang TRO ay hindi pa binabawi.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.