Retiradong guro, basag ang bungo sa mga kawatan

RIZAL – NAGSASAGAWA NA ng manhunt operation ang Antipolo PNP laban sa isang atsay at mga kasapakat nito matapos na pagnakawan at patayin ang isang retiradong guro sa Antipolo City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Gloria Aguilar, 70 anyos, retiradong guro at residente ng # 23 Bernadette St., Maries Village, Phase-2, Brgy., Mayamot, ng nabanggit na lungsod.

Sa ulat, dakong 11:00 ng gabi nang matuklasan ang duguang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang kuwarto ng mga rumespondeng pulis at security guard.

Ayon kay Fidel,  asawa ng biktima, ilang beses niyang tinatawagan sa cellphone ang kanyang kabiyak subalit hindi ito sumasagot dahilan para humingi siya ng tulong sa kanilang security guard sa gate ng subdivision na humingi naman ng back-up sa pulisya.

Nabatid na natuklasan ng mga awtoridad na bukas ang pinto kung kaya’t umakyat ang mga ito at natambad ang  magulong kuwarto at ang duguang bangkay ng ginang.

Bukas din ang safety vault ng mag-asawa at nawawala ang tinatayang mahigit P1 milyong halaga ng salapi at mga alahas.

Nawawala rin ang katulong ng pamilya Aguilar na pansamantalang hindi  binanggit ang pangalan upang huwag makasagabal sa ginagawang follow-up operation at imbestigasyon ng pulisya.

(GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.