Restaurant, Binomba

BINALOT NG takot ang mga residente malapit sa isang restaurant nang sumabog ang isang ‘di matukoy na eksplosibo sa isang restaurant sa Valderosa Street sa Isabela City, Basilan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nangyari ang pagsabog bandang alas-7:45 ng gabi sa may JJ Twins Food Center kung saan inilagay umano ang improvised explosive device (IED) malapit sa main entrance ng naturang restaurant.

Wala namang nasaktan o nasugatan sa naturang pagsabog dahil nagkataon na may kalayuan ang kinalalagyan ng mga tao sa lugar.

Dahil sa tindi ng pagsabog, wasak na wasak ang lugar, kung saan sumabog ang bomba kasama na rito ang isang bahagi ng restaurant.

Ayon kay Supt. Allan Nazarro, hepe ng Isabela City Police, tinatayang sumabog ang naturang bomba 10 minuto matapos iwan ng dalawang hindi nakilalang lalaki na nakasakay umano sa isang kulay itim na motorsiklo.

Hindi kaagad pinansin ng mga tao sa lugar ang iniwang bagahe hanggang sa sumabog ito.

Narekober ng mga awtoridad ang ilang parte ng IED gaya ng ilang piraso ng cellphone, metal pellets, 1-inch concrete nails at iba pa.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang naturang insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga responsable at motibo sa pagtatanim ng bomba sa lugar.

(EUNICE CALMA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.