Resbak ng nasibak na tauhan Mall supervisor, patay sa ratrat ng motor rider

PINANINIWALAANG ANG pagpapasibak sa isa sa kanyang subordinate ang motibo ng pagpaslang sa isang mall supervisor sa General Santos City.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang pamamaril kay Richard Sepe, 37-anyos, taga-Isulan, Sultan Kudarat at nakatira sa Diaz Subd., Brgy. Lagao pasado alas-8 ng gabi.

Ayon sa Lagao Police Station, pauwi na sana ang biktima nang pagbabarilin habang naglalakad papasok sa kanilang subdivision.

Sinundan umano ng dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo ang biktima at nang magawi sa madilim at pakurbang kalsada ay bigla itong hinarang.

Bumaba ang back-rider at pinagbabaril ang biktima gamit ang Cal .45 na armas.

Lumalabas sa imbestigasyon na apat na tama ng bala ang tinamo ng biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa datos ng PNP, ito na ang ikalawang kaso ng pamamaril sa General Santos sa unang linggo pa lamang ng Hulyo.

(EUNICE CALMA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.