REP. SINGSON, WILLING VICTIM NG DROGA AT ANG SUGAL SA KYUSI

MATINDI, PAREKOY, ANG sama ng loob ni Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson kung bakit daw walang pakundangan kung birahin ng media ang kanyang anak na si Congressman Ronald Singson.

Una, doon na nga raw ito nakakulong sa ibang bansa at pangalawa ay biktima raw ito.

Yaaaks! Mukhang nalilihis na sa tamang landas ng argumento itong si Manong Chavit… aba, eh natural lamang na doon makulong sa ibang bansa ‘yang anak mo dahil doon siya nagdala ng droga!

Mabuti pa nga ‘yang anak mo kahit nakulong eh, imported naman! Hak, hak, hak!

Pangalawa, ano po ba ang sabi mo… ang anak mo ang biktima?

Har, har, har, at sinong hudyo naman kaya ang makakapang-biktima sa anak ni Chavit?

Ahh, ang ibig sabihin, biktima ng droga?

Sino, parekoy, si Ronald Singson? Biktima ng droga?

Susmaryosep, ang nabibiktima lang ng droga ay yaong kapiranggot ang pinag-aralan na walang kakayahang i-ditermina ang tama at mali.

Sa kaso ni Ronald Singson na isang magiting na kongresista, biktima rin siya? P’we!

Sakali mang ikunsidera pa ring biktima si Rep. Singson ng droga ay nasa kategorya siya ng willing and happy victim!!!

Kung tutuusin, parekoy, hindi dapat isang taon lang at kalahati ang dapat na hatol kay Rep. Singson.

Dahil hindi naman dapat binigyang-halaga ang “guilty plea” o kanyang pag-amin sa nasabing kaso.

Bagkus ay maituturing na aggravating circumstance pa nga ang kanyang pagi-ging mambabatas o bilang congressman!

‘Yun nga lang, parekoy, nariyan na ‘yan kaya wala nang argumento, dapat tanggapin na lang ng lahat ang mga pangyayari.

‘Wag na ring sisihin ang media dahil hindi kami ang nag-utos kay Ronald na magdala ng droga sa ibang lupalop!

Peryud!

KAHIT ANONG DEPENSA ang gawin ng mga tauhan ni Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista na hindi nakararating sa tanggapan ng alkalde ang pera ng gambling lord na si Tony Santos ay hindi maniniwala ang taumbayan.

Una, walang gagong gambling lord na mag-oo-perate sa isang lugar kung walang basbas ng pinakamataas na opisyal!

Pangalawa, bakit bahag ang buntot nina QCPD Director, C/Supt. Benhardi Mantele at DPOS Chief Gen. San Diego?

Dahil kapag binira nila ang Jueteng ni Tony Santos, may paglalagyan sila kay Bistek… ganu’n ba?

Alangan namang kay “Papa Mayor” naka-kunek ang gambling lord na ito at hindi kay Bistek…

Or both?

INAANYAYAHAN KO PO kayong makinig sa aking programa sa radio na ALARMA KINSE TRENTA, tuwing 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes, sa DZME 1530 kHz (dulong kanan ng talapihitan).

Sa programang ito ninyo maririnig ang tunay na walang takot at walang kinikilingang komentaryo sa mga napapanahong isyu.

Maaari rin po ninyo akong marinig at mapanood sa internet, 6-7 ng umaga sa www.dzme1530.com

Anumang sumbong, i-text lang sa 09152121303 o kaya’y mag-e-mail sa junbriones69@yahoo.com

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.