Remake na naman?

Kadalasan e tinatamad na kong buksan ang TV dahil puro na lamang remake ang mga napapanood ko. Lahat na ata ng mga palabas mapa-Pinoy man o galing ibang bansa ay ginawan na ng remake o gagawan pa lamang ng remake ng dalawang dambuhalang istasyon. Hala, ano bang nangyayari sa atin, mga ate at kuya? Wala na ba tayong maisip na orihinal na ideya para sa mga palabas at todo “may I hiram” na lang tayo ng ideya sa iba? At tsaka, please lang, ‘wag na i-remake ang isang palabas kung hindi naman mapapantayan ang kalidad noong orihinal. Kung titingnan mo ang listahan ng mga nakalinyang programa ng dalawang malaking istasyon ang karamihan dito ay remake—nariyan ang Rosalinda, Full House, Lovers in Paris, at maraming pang iba. Noong una, medyo nakakatuwa pa at nakakaaliw ang mga adaptation at remake ng mga TV show. Hindi ko naman isinasantabi ang hirap at pagod na nilalaan ng production staff at mga artista sa paggawa ng mga programa. Hindi rin naman kasi biro ang gumawa ng isang show. Hindi naman masama ang pag-remake, e. Pero ngayon, nakakasawa na rin kasi parang paulit-ulit na lang ang nakikita at napapanood mo sa telebisyon. Kailan kaya magkakaroon ng remake ang Mara Clara o kaya ang Pangako Sa ’Yo?

Dahil mukhang nag-eenjoy at masaya naman ang dalawang istasyon sa paggawa ng mga remake ng palabas at wala nang makakapigil sa kanila, wish ko lang naman na hindi matulad sa kinahinatnan ng I Love Betty La Fea ang ibang remake. Pasensiya na ah, pero siguro naman alam mo na ang ibig sabihin ko. Kasi naman pinipilit i-extend ang palabas at nagkasanga-sanga na ang istorya medyo nakakaumay na tuloy so, sana hindi ito mangyari sa ibang palabas. Ang sabi nga eh, “ang lahat ng bagay ay may katapusan” kaya naman kahit mataas ang rating ng isang programa ‘wag na sana  i-extend ng todo kasi promise, papangit ang kalalabasan.

Oh diba kamakailan lang e, walang patid ang pag-aanunsiyo ng dalawang istasyon na sila ang Number 1 mapa-TNS man o mapa-AGB-Nielsen man ang nagsabi? Siguro naman oras na para gumagawa sila ng mga bago at kakaibang palabas na mamahalin at tatangkilikin ng mga taong nanonood ng kanilang istasyon dahil ang mga manonood naman ang dahilan kung bakit sila “Number 1.” Sige na, kayo na ang Number 1 pero sana panindigan ninyo ang pagiging Number 1 sa paggawa ng mga magaganda at may kalidad na programa. ‘Yung mga programang makikita mong talagang pinaghandaan, pinag-isipan ng mabuti ang istorya at pinagbuhusan ng oras at panahon. At kung pwede lamang ay medyo bawasan na rin ang mga remake. Sana hindi ‘yung puro press release na lamang na “kami ang number 1, kami ang number 1.” Dahil ang pagiging number 1, hindi lamang nakikita sa taas ng ratings kung hindi sa mga taong napapaligaya ng mga iba’t ibang dekalidad na programa na pinapalabas ng isang istasyon.

By: Brink Notes Entertainment Daily (http://www.brinknotes.net)

Adrian Jeric G. Peña (http://www.brinknotes.netjeric.pena@brinknotes.net)

Pinoy Parazzi

About the Author

has written 5562 stories on this site.

loading...

One thought on “Remake na naman?

Leave a Reply

Your email address will not be published.