Relong bigay ni Kris, gamit ni Cory sa huling sandali

ANG NAPANOOD SA buong episode ng The Buzz nu’ng Linggo ay sina Kuya Boy Abunda at Kris Aquino lang ang nasa set na live sa La Salle Greenhills, kung saan nakaburol ang ating dating Pangulong Cory Aquino.

Makabagbag-damdamin ang paglalahad ni Kris ng detalyadong naganap sa pagbabantay nilang magkakapatid sa kanilang ina sa hospital.

Nag-leave si Kris sa dalawang show niya sa ABS-CBN 2 para matututukan nang husto ang pagbabantay sa kanyang ina.

Ikinuwento niya sa The Buzz ang lahat ng naganap, kung sino ang mga pumunta pati ang hinaing nito sa pagbawi ng Malacañang sa dalawang loyal na bodyguards ni Tita Cory.

Nagpasalamat din si Kris kay Lorna Tolentino sa pagtitiyagang pagsagot sa mga tawag niya at pagpapaliwanag sa mga tanong ni Kris dahil sa mga pinagdaanan na rin ni LT sa pagbabantay nu’ng nakaratay si Kuya Rudy Fernandez sa hospital.

Sumabay na rin kami kay Kris sa pag-iyak lalo na nang ikinukuwento nito ang mga magagandang pahayag nito sa kanyang ina at kung gaano kahalaga sa kanya ang mga huling araw na ginugol niya sa kanyang ina.

Nagpapasalamat ito sa Diyos dahil binigyan sila ng sapat na panahong makasama at maalagaan nang husto ang kanyang ina.

Hindi kagaya ng kanyang ama na bigla na lang silang binalitaang pinaslang ang kanyang ama at hindi man lang daw ito nabigyan nang pagkakataong masabihan ang kanyang ama na mahal na mahal niya ito.

“I wanna say thank you to God kasi I was able to spoil Mom,” pahayag ni Kris sa gitna ng mga hikbi nito.

Ang isa pang maipupuri ni Kris sa kanyang ina ay walang patuloy na paghingi ng pasasalamat sa kanilang lahat.

Nakikita raw niyang masayang-masaya ang kanyang ina sa lahat ng pagmamahal na ipinakita sa kanya.

Lalo na sa kanilang mga anak, panay “thank you” raw ang sinasabi ng kanyang ina.

Doon ikinuwento ni Kris ang relong suot ng dating Pangulo na hanggang sa nalagutan ito ng hininga ay suot niya ito.

Nagtataka raw ang kanyang Ate Pinky bakit hindi nakakalimutang isuot ng kanilang Mommy itong relo. Kahit pagkatapos daw ng kanyang operasyon o chemotheraphy, kaagad na isinusuot daw ito ng kanyang ina.

“That was the first expensive gift I was able to give her with my earnings, and up to the time she died, suot niya ang relong ‘yun,” umiiyak na paglalahad ni Kris.

“Ganu’n niya pinaparamdam on how much she valued us and how proud she was of us,” patuloy nito.

Ikinuwento rin ni Kris na ang kumot at unan na gamit ng kanyang ina hanggang sa namatay ito ay kanya.

Ang strawberry shortcake blanket daw na gamit nito ay ginamit rin niya nu’ng ipinanganak niya si Baby James na muntik pa niyang ikinamatay.

Naniniwala si Kris na masuwerte ang strawberry shortcake blanket na ‘yun dahil naligtas siya sa bingit ng kamatayan gamit ang kumot na ‘yun. Kaya iyon ang pinapagamit niya sa kanyang ina.

Nu’ng July 31, nakita raw niyang nilabhan ang blanket na ‘yun, bigla raw siyang kinabahan. Tumaas ang blood pressure niya dahil pakiramdam niya ito na ang panahong kinatatakutan nilang lahat.

Nangyari na nga, pero nagpapasalamat pa rin sila dahil napaghandaan nilang lahat na magkakapatid na iiwan na sila ng kanilang ina.

Dumating na raw sila sa stage na “letting go” at alam daw nilang sinusundo na ng kanilang Daddy ang dating Pangulo.

Sunud-sunod ang pasasalamat ni Kris sa lahat. Siya raw ang magsisilbing tinig ng kanyang ina na nagpapasalamat sa lahat ng nagmahal sa kanila. Nangako siyang ipagpapatuloy ang lahat ng ipinaglalaban ng kanilang ina, at magiging mabuting anak daw siya, at magmamahalan at magtutulungan daw silang magkakapatid.

Ang isa pang ipinangakong ipagpatuloy ni Kris ay ang pagdarasal ng rosaryo dahil isa raw iyon sa ginagawa ng kanyang ina tuwing may mga pangyayari sa kanilang magkakapatid.

Nu’ng nagkaproblema raw si Kris sa pagsasama nila ni James, nagdarasal daw ng rosaryo ang kanyang ina. Kahit sa championship ni James ay idinadaan daw ng kanyang ina sa rosary kaya inaasahang magiging prayerful si Kris at ang mga kapatid nito.

By Gorgy’s Park

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.