RELASYONG RAYVER CRUZ-CRISTINE REYES, MATIBAY KAHIT INUULAN NG INTRIGA!

NANG UMAMIN SI Rayver Cruz na girlfriend na niya si Cristine Reyes, inulan ng intriga ang kanilang relasyon. Pero walang takot na hinarap ng binata ang mga negative issue tungkol sa dalaga.

“Hindi kasi nakikita ng marami na kapag off-cam, e kalog si Cristine na parang bata. Natutuwa ako sa kanya kapag lumalabas kami bilang magkaibigan noon. Naging komportable siya kaagad sa akin. Ipinakita niya sa akin kung sino siya, walang pagkukunwari,” sey ng aktor.

Ngayon lang totoong nakipagrelasyon si Rayver kahit na-link na siya kay Shaina Magdayao noon. Naging kontrobersiyal ang panliligaw at panunuyo niya noon kay Sarah Geronimo na sa huli ay inamin ng Pop Princess na naging sila ni Rayver. Tutol kasi ang mga magulang nito sa binata at hindi sila makakapayag na magka-boyfriend ang kanilang anak.

Bago naging masaya’t maligaya sina Rayver at Cristine dumaan muna sila sa malaking pagsubok. Ikinagulat ng publiko ang nakakaloka niyang tweets. Pinatamaan niya si Sarah, ang ugat ng hindi pagkakaunawaan ng dalawa ay si Rayver. Naging antipatika tuloy ang dating ng sexy star, kaya agad itong nag-sorry sa singer-actress at sa mga taong nasaktan niya dahil sa inilagay niya sa kanyang Twitter account.

First time inamin ni Rayver sa publiko na dyowa na niya si Cristine. Sabi nga, masuwerte raw ang sexy star dahil pinagpapantasyahan ng mga kababaihan ang kanyang syota. Madalas na biruin ang dalaga na siya ang unang ‘nagbinyag’ sa aktor sa pakikipagrelasyon.

Hindi maitago ni Cristine ang sobrang kaligayahan sa relationship nila ni Rayver kahit marami pa rin ang tumututol. Hindi naapektuhan ang dalawa sa mga intrigang pilit silang pinaghihiwalay. Ang mahalaga, tunay raw silang nagmamahalan. At walang sinuman ang puwedeng sumira sa maganda nilang pagtitinginan.

Sa Twitter ni Cristine, madalas siyang mag-post tungkol sa mga masasayang pangyayari sa kanilang dalawa. Ibinabandera niya ang mga sweet moment nila, with matching pictures. Naipakilala na nila ang isa’t isa sa kanya-kanyang pamilya. Tuloy, nagiging malapit sila sa family at relatives.

Nasabi nga ni Rayver, “Natutuwa ako dahil naging relax agad ako sa family ni Cristine. Kung papaano nila ako alagaan, kung minsan nga kumakampi pa sa akin ‘yung mga kapatid niya lalo na ‘yung Mommy niya.

Ngayon  nga ay buong ning-ning na ipinagmamalaki ni Cristine ang suot niyang singsing na bigay sa kanya ni Rayver. Hindi ugali ng sexy actress na magsuot ng ring na galing sa boyfriend. Pagpapatunay lamang na very much in love siya sa binata. Ito raw ay promise ring, hindi engagement ring. Wala pa sa isipan nila ang lumagay sa tahimik. Marami pa silang gustong ma-accomplish sa kani-kanilang career at sa personal nilang buhay.

Smooth ngayon ang takbo ng relasyon nina Rayver at Cristine. Tipong magtatagal nga yata ang kanilang love affair. Sana nga…

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

loading...

One thought on “RELASYONG RAYVER CRUZ-CRISTINE REYES, MATIBAY KAHIT INUULAN NG INTRIGA!

  1. Pingback: RELASYONG RAYVER CRUZ-CRISTINE REYES, MATIBAY KAHIT INUULAN NG INTRIGA! | Cristine Reyes RELASYONG RAYVER CRUZ-CRISTINE REYES, MATIBAY KAHIT INUULAN NG INTRIGA! | Cristine Reyes Videos, Pictures, News and More!

Leave a Reply

Your email address will not be published.