Reklamo vs. 2 Traffic Enforcer, Idinulog sa Ombudsman

DALAWANG TRAFFIC enforcer mula sa Caloocan City ang ipinagharap ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman dahil sa ginawang panggigipit at pangingikil sa isang barangay tanod sa naturang lungsod.

Ang dalawang sinampahan ng kasong Violation of Section 3e of Republic Act. No. 3019 o paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay sina Paulo Cuaresma at Eric Torio, kapwa traffic enforcer ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM).

Batay sa sinumpaang salaysay na isinumite sa tanggapan ng Ombudsman ng complainant na si Mark Anthony Fernandez, barangay tanod sa Brgy. 116 at nakatira sa 421 5th Ave., Caloocan City, sapilitang kinuha ng dalawang akusado ang kanyang tricycle nang mabigo siyang magbigay ng P3,000 na hinihingi ng mga ito para hindi ma-impound ang kanyang sasakyan.

Ayon kay Fernandez, naghahanap siya ng mabibiling fuel pump ng multi-cab na gamit sa barangay lulan sa kanyang pribadong tricycle nang pahintuin siya ng mga akusado sa 5th Ave. cor. Rizal Ave. ng naturang lungsod.

Hinihingi umano nina Cuaresma at Torio ang prangkisa ng dala niyang tricycle at nang wala siyang maipakita dahil private ang kanyang sasakyan na hindi naman ipinapasada ay pilit siyang pinababa ng mga ito.

Sa kabila ng ipinakita na ni Fernandez ang kanyang lisensiya at rehistro ng dala niyang tricycle ay tinekitan pa rin siya ng dalawang traffic enforcer at sinabi sa kanya na makukuha lamang niya ang kanyang sasakyan kung magbibigay siya ng P3,000.

Sinabi ni Fernandez, na sobra sa itinakdang multa kung may violation man ang hinihingi ng mga akusado at nang tingnan niya ang paniket o resibo, hindi nakalagay ang kanyang pangalan at binantaan pa siya nina Cuaresma at Torio na huwag nang magreklamo dahil silang dalawa lamang ang puwedeng magbalik ng kanyang sasakyan mula sa impounding area ng DPSTM.

Dahil wala naman siyang nagawang traffic violation at walang naibigay na P3,000 si Fernandez sa dalawang traffic enforcer, hindi pa rin ibinalik, may ilang linggo na, ang kanyang pribadong motorized tricycle na gamit lamang pampamilya.

Bunga nito, nagsadya siya sa tanggapan ng Ombudsman upang i-pagharap ng kaukulang reklamo ang ginawang pang-aabuso sa kanya ng dalawang traffic enforcer.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.