Reklamo Laban sa Isang Call Center

Dear Sir Raffy,

MAGANDANG ARAW PO, itago n’yo na lamang po ako sa pangalang Denise. Humihingi po ako ng tulong sa inyo tungkol sa aking trabaho bilang call center agent. Ang pangalan ng aming tanggapan ay PI RHO CONTACT SOLUTIONS na matatagpuan sa Unit 2305 Cityland Hererra Tower, Rufino St. corner Valero St., Makati City. Mag-iisang taon na po akong nagtatrabaho rito.

Ang pinaka-concern ko lang ay underpaid po kami at tumatanggap lang ng P10,000 monthly. Pumayag kami kasi ang sabi nila ay may comission na matatanggap kapag naabot namin ang qouta na required nila at may night differential pa raw. Verbal lang po ang naging usapan kasi hindi rin kami pinapirma ng kontrata, at ang sabi ay inaayos na raw nila.

Hanggang lumipas na po ang matagal na panahon. Hindi nila tinupad ang kanilang mga pangako dahil bawat tanggap namin ng sahod ay walang night differential at comission. At bukod pa rito, pinagtatrabaho kami ng Sabado na walang binabayarang overtime. Dagdag pa rito, kapag hindi pumasok sa nasabing araw ay automatic na kakaltasan ang aming sahod.

Alam n’yo po, nakakapagbenta naman kami nang maayos at sobra pa nga sa quota na nire-require nila sa isang araw. Nakakagawa po kami ng average na 50 sales sa isang araw, ang bayad po ng bawat isang sale sa kompanya ay $22.00. Sa kuwenta po namin ay humigit kumulang 50 thousand pesos ang kinikita nila araw-araw sa isang account na hawak ng kompanya. Dalawang account po ang hawak ng kompanya, at sa kabilang account ay mas malakas pa nga ang benta kaysa sa aming grupo.

At sa mga baguhan naming mga kasamahan ay P9,000 lang po ang kanilang tinatanggap na sahod, sobrang baba na talaga. At ang masama, hindi sila nagre-remit ng contributions sa SSS, PAG-IBIG, at PhilHealth. Napag-alaman din naming hindi rin sila nagbabayad ng tax sa BIR.

Naitanong rin namin sa mga matagal nang nagtatrabaho rito ang tungkol sa 13th month pay, hindi po sila nagbibigay sa kanilang mga empleyado. Naaawa rin po ako sa iba naming kasamahang tinanggal nila na wala man lang nakukuhang pera sa pagseserbisyo ng kompanya. Sana po ay matutungan n’yo kami na makakuha man lang ng benepisyo, lalung-lalo na sa mga kasamahan naming umalis na wala man lang ni isang kusing na natanggap.

Umasa po kami sa inyong mabilis na pag-aksyon lalo na po ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan. Sa gabi lang po bukas ang PI RHO, 9:00 pm ang start ng operation. Ang angas po ng Chief Operations Officer namin, kung magmura sa amin ay akala mo pinapasuweldo kami nang maayos at nagbibigay ng magandang benepisyo.

Respectfully Yours,

Denise

NANANAWAGAN KAMI KAY Denise na mangyari lamang na muling lumiham sa amin para ibigay ang contact numbers ng PI RHO Contact Solutions, maging ang kanyang mismong contact number upang makapagbigay ng karagdagang impormasyon na aming kakailanganin para mabigyan ng agarang solusyon ang problemang ito.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.