Reklamo laban sa DMCI

TUNGHAYAN NATIN ANG isang reklamong natanggap ng ITIMBRE MO KAY TULFO:

Dear Mr. Tulfo,

Nais ko po sanang humingi sa inyo ng tulong tungkol sa biniling town house ng kapatid kong si Frederick Oyco sa Mahogany Place III ng DMCI. Dahil sa nasa ibang bansa siya, ako ang naatasan niyang kumatawan sa kanya.

Ang problema po ay iyong binili niyang town house na binayaran namin ng cash ang reservation fee na P50,000 at pati na ang 30% down payment ng bahay dahil sa pangako sa amin ng sales manager nila na si Mr. Eugene Abayon na after one month pagkatapos magbayad ay sisimulan na nila ang construction ng bahay.

Pero ang nangyari po, mula noong magbayad kami noong February 11, 2010 at hanggang ngayon ay wala pa ring bahay na sinisimulang gawin.

Ilang beses na kaming tumawag at gumawa ng sulat sa mga taong dapat kausapin tulad nila Mr. Florante Ofrecio, ang director ng Sales, Mr. Alfonso Cervero, ang director ng Customer Care, Mr. Lito Carreon na project manager ng DMCI, at  pati na rin kina Mr. Verni Mendoza at Ms. Mira Marasigan.

Ang nangyayari lamang ay nangangako silang uumpisahan nang gawin o magbibigay ng mga petsa ng house turnover na nagsimula pa noong August na naging October, November, February 2011 tapos ang huling pangako ay April 2011 naman.

Iyong sales manager naman pong si Mr. Abayon ay hindi na namin makausap dahil noong una ay ‘di niya sinasagot ang mga tawag namin. Hanggang sa nitong huli ay nabalitaan na lang namin na wala na siya sa DMCI.

Nasa amin po ang mga resibo ng aming mga binayaran sa kanila. Provisional receipt nga lang po ang ibinigay nila dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ibinibigay ang official receipt. Nasa amin na rin ang Contract to Sell pati na rin ang copy ng check na ibinayad namin sa kanila galing bangko.

Umuwi po last December ang kapatid ko sa pag-asang kahit papaano ay may makikita na siyang structure sa bahay niya at maglo-loan ng housing sa bangko. Ang kaso po ay hanggang ngayon ay bakal at lote pa rin ang makikita doon kaya hindi sya makakapag-loan. Sa March 11 na po ang umpisa ng first monthly amortization niya sa DMCI, kaso kapag nagtatanong kami sa opisina nila, kung saan-saang extension kami napupunta at inililipat, nagpapasahan sila sa pagsagot sa mga tanong namin.

Humihingi po kami sa inyo ng tulong dahil hindi na namin alam kung kanino lalapit. Medyo nawalan na rin kami ng tiwalang lumapit sa mga abogado dahil sa mga na-experience namin sa kanila na kahit kumpleto ang dokumento o ebidensiya namin pero wala kaming connection ay nababalewala rin ang kaso.

God bless po at more power sa mga show n’yo na laging handang tumulong sa mga taong tulad namin na gustong ipaglaban ang karapatan sa mga taong mapagsamantala, pero dahil sa palakasan system ang mga boses ng mga tulad namin ay nababalewala at hindi nabibigyang halaga.

Para sa e-mail sender, paki-email ang iyong contact number para agad naming maaksyunan (RT).

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.